HINDI makapaniwala si Sir Juan sa nakita sa tambak ng mga kahon --- isang nakatalikod na babae ang naroon at pilit isinisiksik ang sarili. Sa tingin niya nagtatago rin ang babae tulad niya. Tiyak niyang babae ang nakasiksik sa mga kahon. Puti ang blusa at nakapantalong maong ang babae. Wala itong kakilus-kilos sa pagkakaupo. Kung kanina ay nakarinig siya ng kaluskos, ngayo’y walang kagalaw-galaw ang babae.
“Miss!’’ Tawag ni Sir Juan.
Pero hindi gumagalaw ang babae.
“Miss!’’
Pero hindi pa rin ito gumagalaw.
Kinabahan si Sir Juan. Baka kaya wala nang buhay ang babae. O baka nawalan ng malay habang nakaupo. Baka sa pagkabigla sa pag-raid ng mga pulis ay na-trauma at dito inabot ng pagkawala ng malay o baka inatake.
Naisip ni Sir Juan, baka isa sa mga dancer ang babaing ito. Mukhang maganda ang katawan.
Kaya lang bakit naka-blusa at jeans? Kung dancer, dapat naka-panty o hubad nang magtatakbo. O baka naman, nakapagbihis nang madalian at saka nagtatakbo at napunta rito.
“Miss, huwag kang matakot. Hindi ako pulis. Kustomer ako ng club at nagtago rin dito. Tayong dalawa lang ang narito…’
Pero wala pa ring sagot o pagkilos ang babae. Kinabahan na si Sir Juan.
Hanggang ipasya niyang kalabitin na ang babaing nakatalikod para matiyak kung buhay pa ba ito o isa nang bangkay.
Nang kublitin niya, ganun na lamang ang pagkagulat ni Sir Juan sapagkat, bumunghalit ng iyak ang babae.
Kinilabutan si Sir Juan.
“Huwag kang umiyak. Hindi ako masamang tao. Puwedeng humarap ka. Please, makipag-usap ka sa akin.’’
Hanggang sa unti-unting humarap ang babae. Nalantad ang mukha.
Ganun na lamang ang pagkagulat ni Sir Juan nang makita ang mukha ng babae.
(Itutuloy)