Popularidad ni P-Noy, di maisalin

SA pinakahuling survey ay patuloy pa rin na popular o mataas ang approval at trust rating ni Pres. Noynoy Aquino.

Ang ibig sabihin nito ay nanatili pa rin ang mara-ming nagtitiwala sa pangulo sa kabila ng mga batikos ng katiwalian sa ilang miyembro ng Gabinete at opisyal ng gobyerno.

Pero ang nakakapagtaka ay bakit hindi maisalin o mailipat ni P-Noy ang kanyang popularidad sa presidential candidate na si Mar Roxas.

Kulelat pa rin sa survey si Roxas kumpara sa iba pang pa-ngunahing kandidatong presidente sa 2016 elections.

Sa ibang usapin ay nanguna na si Roxas pero hindi sa popularity survey sa halip ay  sa pinakamalaking ginastos sa political advertisements na gumastos ng mahigit sa P700 milyon mula January hanggang December 2015 ayon sa Neilsen Philippines.

Kahit maglupasay at magpaawa pa si Roxas sa publiko ay tila dedma sa kanya ang mga botante.

Bakit kaya hindi maisalin kay Roxas ang popularidad ni P-Noy? Ano nga ba talaga ang problema?

Kung tutuusin ay wala namang alegasyon ng katiwalian o hindi rin naman nasangkot sa anomalya si Roxas habang ito ay nakapuwesto sa gobyerno.

Maraming pagkakataon ang naibigay kay Roxas upang ito ay sumikat sa mata ng publiko tulad na lang ng maging kalihim ito ng DOTC na sana kung naisaayos lang nito ang problema sa MRT 3 at sa plaka ng sasakyan sa LTO ay tiyak ang pag-akyat ng popularidad nito.

Noong mangyari ang Yolanda tragedy ay tumayong DILG secetary si Roxas na magandang pagkakataon sana upang maipakita sa mga biktima ang kalidad nito bilang lider sa pamamagitan ng pagtulong sa mamamayan pero kabaliktaran ang nangyari kaya naman kahit pa gumastos ng malaki sa advertisement si Roxas ay hindi pa rin ito popular sa publiko.

Patunay lang din na kahit gaano kalawak at kalaki ng pondo sa advertisement ng isag kandidato sa dakong huli ay kikilatisin pa rin ng publiko ang mismong produkto o kandidato.
 

Show comments