DUMEPENSA, lumaban para sa bansa pero ang kadakilaan habang dumadaan ang panahon unti-unti ng nakakalimutan.
Kadalasan hindi na natin nabibigyan ng halaga ang mga beteranong lumaban sa mga digmaan. Kaya naman ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang naghandog sa kanila ng espesyal na araw para mapasaya ang ating mga beterano.
Sa proyekto nilang Pamaskong Handog 2015 halos tatlong daang beterano na lumaban noong World War II ang kanilang inasikaso.
Naganap ang salu-salo sa tulong ng Filipino War Veterans Foundation Incorporated (FILVETS, Inc.) isinabay ito sa Christmas Party ng organisasyon sa Muntinlupa City. Nagbigay ng noche buena gift packs ang PAGCOR sa mga benepisyaryo.
Ayon kay PAGCOR Manager for Corporate Communications and Services Department Priscilla Allan na ang pagbibigay ng regalong ito ay hindi lamang para gawing masaya ang Pasko ng mga beterano kundi para purihin ang kanilang katapangan na lumaban para sa bansa mula noong panahon ng Hapon.
“Masaya kaming makapagpaligaya ng mga beterano at pamilya nito. Kahit sa simpleng selebrasyong ito ay naipadama natin sa kanila na ang kanilang katapangan ay patuloy na inaalala,” dagdag ni Allan.
Ang FILVETS ay non-government, non-profit organization ay naglalayong madagdagan ang benepisyo at pribilehiyo na ibinibigay ng pamahalaan sa mga beterano.
Si Arthur Dominguez na anak ng 88 taong gulang na beteranong si Francisca Dominguez ay nagsabing ang ganitong uri ng pagdiriwang ay napakalaking bagay sa mga beterano at pamilya nito dahil nagpapaalala ito sa kanila na ang kabayanihang ginawa ng kanilang kamag-anak ay hindi nalilimutan.
Ang ina niya ngayon ay nakakaranas na ng paghina ng pagdinig dahil na din sa kanyang edad ay nakilala sa kanyang pag-aalaga sa mga Pilipinong nakipaglaban noong panahon ng pananakop ng Hapon.
Masayang-masaya din naman ang kwarenta anyos na si Anthony Mainis nang malaman niyang ang ilan sa mga dependents ng kanyang amang beterano ang napiling benepisyaryo ng PAGCOR.
“Hindi po namin alam kung paano magpapasalamat sa mga institusyong tulad ng PAGCOR na patuloy na kumikilala sa kabayanihan ng mga beterano ng digmaan gaya ng aking ama,” pahayag ni Mainis.
Ang kanyang ama ay nabuhay mula sa grabeng tama ng baril nung panahon ng digmaan. Namatay na ito ilang taon na ang nakakalipas. Ngunit kapag naaalala niya ang mga paghihirap ng kanyang ama noong digmaan ay napapaluha pa din siya.
“Nakwento niya noon na akala niya’y di na sya mabubuhay nung nabaril siya. Marami raw kasing dugo ang nawala sa kanya. Kung hindi siya nakaligtas noon, malamang wala din ako,” sabi ni Mainis.
Nagpasalamat naman ang FILVETS Corporate Secretary and Chief of Operations and Services Col. Enrico Divinagracia sa PAGCOR sa pagtulong sa kanilang organisasyon sa pamamagitan ng Pamaskong Handog Project.
“Ang aming organisasyon ay habang buhay na magpapasalamat sa pag-alala ninyo sa mga bayani at sa kanilang pamilya. Ang mga regalong ito ay mas nagbigay ng kabuluhan sa pagdiriwang nila ng Pasko,” wika ni Divinagracia.
Naglaan ang PAGCOR ng P25.35 milyon para sa Pamaskong Handog program na nagsimula noong ika-27 ng Nobyembre hanggang ika-22 ng Disyembre. Sa proyektong ito naabot ng PAGCOR ang libo-libong Pilipino na nasa pangangalaga ng ilang charitable organizations.
Ilan sa kanila ay ang mahihirap na pamilya at walang tahanan, inabandona at ulilang mga bata, mga batang may sakit sa puso, mental retardation, autism at ilang kapansanan, inabusong kababaihan, mga matatanda, barangay health workers at disaster volunteers.
PARA SA ANUMANG REAKSYON, sa mga biktima ng krimen o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.