MERON na rin palang tinatawag na Anti-Pee wall. Isa itong klase ng pintura na, kapag ipinahid sa pader, lumilikha dito ng isang hindi nakikitang barrier. Ang epekto nito --- kapag inihian ng lalaki ang pader na pinahiran ng ganitong pintura, tatalsik ang ihi pabalik sa umihi.
Isang konseho sa London ang sinusubukang bumili ng naturang pintura para ipahid sa mga pader sa dalawang lokayon sa Shoreditch at Dalston sa silangan ng naturang lunsod.
Gawa raw ng UltraTech, isang kompanya sa Amerika, ang anti-pee repellant na itinuturing na panlaban sa mga lalaking mahilig umihi sa mga poste, pader at ibang pampublikong lugar.
Layunin nito na masawata ang naturang bisyo at maiwasang pumanghi at mangamoy ang mga pader. Siyempre pa, maiiwasan ding makakita sa mga pampublikong lugar ng mga lalaking hindi mapigilang “magpalabas” ng kanilang nararamdaman kahit pa merong ibang tao na nakakakita sa kanila.
May kamahalan nga lang lalo pa kung sa ibang bansa ginagawa ang ganitong pintura.
Pero, dahil kalikasan ng tao ang pag-ihi at magkakasakit naman siya sa bato kung pipigilan niya ito, hindi maiwasang umihi siya kahit sa mga pampublikong lugar kung wala siyang makitang banyo. Hindi nga naman magandang tingnan pero ano ang remedyo ng isang tao na kailangan niyang umihi habang nasa alanganing lugar siya na walang comfort room. Sa Metro Manila, naging solusyon ang paglalagay ng mga public urinal sa iba’t ibang lugar pero mukhang kulang pa ito para matugunan ang “pangangailangan” ng dumaraming residente rito. Kaya nga malaking bagay na rin ang pagkakaroon ng mga CR sa ilang lugar na kahit may bayad ay nakakatulong sa publiko. Ewan lang kung dito sa Pilipinas ay may papatol at gagastos nang malaki sa pagbili ng naturang pintura lalo pa kung napakaraming pader at poste ang dapat pahiran nito.