HABANG papalapit ang Pasko, parami nang parami ang mga batang umaakyat sa dyipni para mamalimos. May iaabot na mga sobre sa mga pasahero para lagyan ng pera. Mayroong mga bata na biglang sasabit sa sasakyan para makahingi ng limos. Ang ibang mga bata, kakatukin ang bintana ng kotse at saka ilalahad ang kamay para abutan ng pera. Mayroong mga bata na biglang tatawid sa kalsada para habulin ang mga dyipni at sa pagmamadali hindi na nakikita ang mga mabibilis na sasakyan na tumutumbok sa kanila.
Parang mga kabuti na nagsulputan na naman ang mga batang pulubi at maging ang mga babaing Badjao na karga-karga ang kanilang anak. Bawat sasakyan na dumaan ay nilalapitan at hinihingian ng pera. Pati mga Aeta ay nagsidagsa na rin sa Metro Manila para manghingi ng limos. Pami-pamilya ang mga Aeta na nasa gilid ng mga kalsada at nakasahod ang mga kamay para abutan ng pera.
Noon pa, sinabi ni DSWD Sec. Dinky Soliman na huwag lilimusan ang mga bata o pulubi sa kalye. Hinihikayat lang daw ng mamamayan na huwag nang umalis sa kalye ang mga batang palaboy o pulubi. Kapag walang nagbigay o naglimos sa kanilang motorista hindi na nila gugustuhing mamalagi sa kalsada at mamalimos.
Pero marami pa ring mabubuting tao na naglilimos sa mga pulubi kaya hindi maipatupad ang utos ng DSWD. Lalo pa ngayong Pasko na marami ang nagbabahagi ng grasya sa kapwa.
Ang dapat gawin ng DSWD ay magkaroon nang pangmatagalan at epektibong solusyon para sa mga bata at pulubi. Kadalasan, itinatago lamang ang mga pulubi kapag may dumarating na bisita. Gaya nang dumating si Pope Francis at noong APEC summit.