Ang problema sa pagbibigay

1—Huwag magbigay ng mga bagay na patapon na. Sa halip, tanungin mo ang iyong sarili—kung ako ang tatanggap, ito ba ang gugustuhin kong matanggap ng aking pamilya? Kung ang sagot mo ay hindi. Itapon mo na lang sa basura.

Karamihan sa mga taong nagbibigay ng donasyon sa mga nangangailangan ay may “mindset” na “beggars can’t be choosers”. Tanggapin lang kung ano ang ibibigay namin sa inyo at wala kayong karapatang magreklamo.

Isang kakilala ang nag-volunteer na maging taga-balot ng mga relief goods sa isang pribadong kompanya. Pagkatapos manawagan ng kompanya na kailangan nila ng donasyon, karamihan sa mga ipinadala ay mga lumang damit. Pero karamihan sa  natanggap na lumang damit ay hindi mapapakinabangan: Gown na may mantsa, malibag na panty, malaking bra na puwedeng maging duyan ng sanggol. Sino naman sa mga nasalanta ng bagyo ang mag-iisip pang magsuot ng gown gayong wala nga silang bahay na masilungan? Ikaw ba, masisikmura mong magsuot ng malibag na panty? Nang mabuklat nila ang bra na parang duyan ay hagalpakan sila nang tawa. Ang naging konklusyon ng mga volunteer, kunwari ay nagbigay ng donasyon pero gusto lang magbawas ng basura sa kanilang bahay.

2—Kapag nagbigay, huwag umasa na mayroon itong kapalit. Kapag bukal sa loob ng isang tao ang pagtulong, kinabukasan limot na niya kung sino ang natulungan niya. Kasi sa sobrang dami, hindi na niya matandaan. O, ang natandaan lang niya ay saya sa kanyang puso dahil nakatulong siya.

3—Pagdating sa pagbibigay sa kamag-anak, huwag itong gamiting pangsumbat kapag nag-away kayo. Sampung taon na ang nakakaraan mula nang magbigay ng tulong, pero kung makasumbat ay parang 10 minutes lang ang nakaraan.

4—Huwag magbigay para lang purihin ng mga tao. May pulitiko akong kakilala na kapag mga kamag-anak ang humihingi ng tulong, nagbibingi-bingihan siya. Pero kapag ibang tao, kahit hindi masyadong kakilala, singbilis ng kidlat ang pagtulong sa mga ito. Ang sekreto diyan: Kakalat ang kanyang pagiging matulungin kapag ibang tao ang tinulungan. Kung kamag-anak, sa loob lang ng kanyang angkan kakalat ang pagiging matulungin, at hindi iyon makakatulong sa kanyang political career, ayon sa kanyang paniwala.

Kaya noong muli siyang tumakbo sa ikalawang pagkakataon, iniligwak siya ng mga naaasar na kamag-anak. Minaliit niya ang bilang ng kamag-anak, na marami pala. Ang kalaban niya ang sinuportahan ng mga kamag-anak at iyon ang nanalo.

Show comments