‘Nasaan ka Inay?’

KAPAG ikaw ay naghangad ng pinakamataas na posisyon sa bansa asahan mong maraming pipilitin kang hataking pababa lalu na nangunguna ka sa ‘surveys’.

Babatuhin ka lahat ng klaseng putik, pag-uungkat at basura para wag ka lang manalo. Gagawin lahat ito ng iyong mga kalaban. Ganito ang dinaranas ngayon ni Senator Grace Poe.

Ilang ‘disqualification cases’ na din ang kinaharap ni Sen. Grace. Nalusutan niya ang Senate Electoral Tribunal (SET) pero pagdating sa Commission on Elections (Comelec) na ang unang nagsampa ay si Atty. Estrella “Star” Elamparo ay natalo siya sa botong 3-0.

Binubuo nina Comelec Commissioners Al Parreño, Arthur Lim, at Sheriff Abas ang 2nd division ng Comelec.

Umapela naman sina Sen. Grace sa Comelec en banc.

Sa pinakabagong balita, naglabas na ng desisyon ang 1st Division ng Comelec sa isinampang disqualification case nina University of the East College of Law Dean Amado Valdez, dating Sen. Kit Tatad at De La Salle University Professor Antonio Contreras.

Natalo si Sen. Grace muli sa botong 2-1. Ang dalawang boto ay mula kina COMELEC Commissioner Luie Guia at Rowena Guanzon habang si Commissioner Christian Lim naman ang tanging pumanig sa kanya.

Sa susunod na linggo ay maghahain ang kampo ng Senadora ng Motion for Reconsideration (MR).

Mas mapapadali daw sana na mapatunayan ng Senadora na karapat-dapat siyang tumakbo bilang Presidente kung mahahanap niya ang kanyang tunay na pamilya.

May ilan nang sumailalim sa DNA testing subalit negatibo ang naging resulta.

Ang susunod niyang destinasyon ay sa Iloilo City. May isang pamilya siyang kakausapin sa Guimaras Island para sumailalim sa DNA testing at nang magkaalaman na kung totoo nga ang sinasabi ng mga ito na posibleng sila ang kapamilya ni Sen. Grace.

Ikatutuwa niya daw kung totoong may tyahin siya sa Guimaras.

Hindi pa niya nakakausap ang sinasabing kanyang dalawang kapatid at tiyahin. Nakilala ang tiyahin na si Lorena Rodriguez-Dechavez.

Kung may basehan ang sinasabi ng mga ito na kapamilya nila si Sen. Grace nais daw hilingin ng Senadora sa mga ito na sumailalim sa DNA testing.

Handa naman daw ang kabilang kampo para dito. Sa pagkakaalam ni Dechavez si Poe ay anak ng kapatid nitong si Victoria. Ito ang pinakamatanda sa labing dalawang magkakapatid ngunit namatay nung 1996.

Mula sa bahay nila sa Buenavista, Guimaras ay dinala si Grace sa Jaro District para ipaampon.

Tikom ang kanilang bibig dahil napapansin nilang maayos ang kalagayan ng Senadora. Nang mapansin nilang kailangan nila itong depensahan at tulungan dahil nakukwestyon ang kandidatura nito saka lang sila nagsalita.

Para kay Sen. Grace malaking tulong kung lalabas na si Dechavez ay kadugo niya at tyahin niya tulad ng sinasabi nito.

Mahabang panahon na din ang kanyang ginugol para mahanap ang tunay niyang kadugo.

Hindi naman ito usapan lang para maaprubahan siya bilang Filipino Citizen kundi gusto din naman ni Sen. Grace na mahanap ang kanyang magulang para mabuo ang kanyang pagkatao.

Kung hindi man niya mahanap ang kanyang mga kamag anak sa Guimaras maaari naman siyang bumili ng kaing-kaing na mangga dahil talagang napakasarap ng mangga sa Guimaras.

PARA SA ANUMANG REAKSYON, sa mga biktima ng krimen o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

 

Show comments