NOONG nakaraang taon, umabot sa 351-katao ang naputukan at karamihan sa mga ito ay bata. Piccolo ang karaniwang pinapuputok ng mga bata na naging dahilan ng pagkakasugat at pagkakaputol ng kanilang mga daliri.
Noong 2013, umabot sa 599 katao ang naputukan at karamihan din sa mga ito ay mga bata na gumamit ng piccolo. Bukod sa pagkaputol ng daliri, mayroon ding nabulag dahil sa piccolo.
Kaya mahigpit ang panawagan ng Department of Health (DOH) na ipagbawal ang piccolo para wala nang maputulan ng daliri. Ayon sa DOH nananawagan sila sa local government units (LGUs) at Philippine National Police (PNP) na tulungan sila para ganap na maipagbawal ang piccolo. Naniniwala ang DOH na kapag nawala ang piccolo mababawasan ang mga mabibiktima habang nagdiriwang ng Bagong Taon.
Malaki naman ang papel ng mga magulang para hindi mapahamak o maputulan ng daliri ang kanilang mga anak. Laging bantayan ang mga anak para hindi ito makabili ng piccolo. Madali lang bilhin ang piccolo sa mga tindahan sa kanto. Bantayan din naman at baka mamulot nang hindi pumutok na piccolo ang mga bata. Karaniwang ang mga hindi pumutok na piccolo ay mayroon palang sindi at kapag dinampot ng bata ay saka puputok. Huwag hayaang sirain ng piccolo at iba pang paputok ang kinabukasan ng anak.
Kapag hindi ipinagbawal ang piccolo, mas marami pa ang mga bata na mapuputulan ng daliri at masasabugan sa mukha. Hulihin ang mga nagtitinda ng piccolo para ganap na mawala ang paputok na ito sa merkado. Delikado ang paputok na ito sa mga bata.