Biyahe ng LRT, MRT giit na iextend din
Lalung tumindi ang nararanasang trapik sa buong Metro Manila lalu na nga’t pumasok na ang buwan ng Disyembre o holiday season.
Wala na talagang masulingan, kahit saan nagdidilim sa trapik.
Siyempre sabay-sabay ang mga shoppers ngayong panahon ng Christmas rush. Sumasabay pa ang maraming pasaway at walang disiplinang mga driver at motorista sa mga lansangan.
Ibat-ibang paraan na ang ipinapanukala para kahit papaano ay maibsan ang trapik, pero tila walang epek.
Kabilang nga rito ang pagpapatupad ng moratorium ng MMDA sa mga road re-blocking, para hindi na makadagdag sa masikip na trapik.
Nandyan din ang inadjust ang oras ng bukas at sara ng mga mall, para na rin hindi magkasabay-sabay ang mga shoppers.
Pero may hiling ang maraming mga commuters, ayon sa kanila tutal din lang umano ay nag-extend ang oras ng mga mall sana raw eh maisip din ng mga kinauukulan na i-extend din ang biyahe ng LRT-MRT at iba pang mass transport.
Isang malaking pahirap daw sa mga pasahero ang sobrang trapik sa mga lansangan na kahit na nga ibat-iba ang mga inirerekomenda ng paraan ay di pa rin maibsan ang kalbaryong dulot nito.
Ang LRT at MRT ang iba pang mass transport sa bansa ang siya ngayong tinatangkilik ng maraming mga pasahero. Kahit na nga mahaba ang pila at madalas ang mga aberya ay dito at dito pa rin nagtitiyaga ang maraming mga pasahero. Dahilan nila , ok lang maghintay sa pila, ok lang kahit pa sabihing madalas ang aberya, ito pa rin ang kanilang binabalik-balikan, kasi nga matinding stress kung sa mga pangunahing lansangan sila dadaan.
Mas magaan pa rin sa kanila ang haba ng pila, kahit nakatayo at siksikan o palitan na ng mukha sa loob ng mga tren, mas madali umano silang nakakarting sa kanilang patutunguhan kaysa naman sa kalbaryong dulot ng matinding trapik sa mga lansangan.
Giit nila bakit hindi ito ang subukan, ang mapahaba kahit ngayong holiday season ang oras ng biyahe nito baka sakaling makatulong para maibsan ang trapiko.
- Latest