ISANG artist mula New York City ang nagtatag ng sarili niyang bansa sa lupaing kanyang nabili na nasa gitna ng dis-yerto sa Utah.
Nagsimula ang lahat noong 2005 nang mabili ni Zaq Landsberg sa halagang $610 o katumbas ng higit P28,000 ang halos isang hektaryang lupain sa isang liblib at mala-disyertong bahagi ng Utah.
Agad niyang itinatag ang kanyang sariling bansa sa lupaing kanyang nabili. Binansagan niya itong “Republic of Za-qistan” na hango mula sa kanyang pangalan. Itinayo rin niya ang bandera ng Zaqistan noong una niyang nabisita ito mula nang mabili niya ang lupa sa Internet.
Ayon kay Zaq ay naisip niya ang pagtatayo ng kanyang sariling bansa matapos siyang magkaroon ng diskumpiyansa sa pamamahala ng gobyerno ng Estados Unidos matapos ang pananalasa ng Hurricane Katrina. Naisip niyang magiging mas maayos pa ang kanyang pamamalakad kung magkaroon siya ng sarili niyang bansang pamumunuan.
Ngayon ay taun-taon kung dalawin ni Zaq ang kanyang republika. Tinayuan na rin niya ito ng sarili nitong arko at border patrol gate na binabantayan ng isang robot. Nagi-issue na rin ang Republic of Zaqistan ng sarili nitong passport at ang mga kaibigan ni Zaq ang mga unang nabigyan nito.
Ngunit sa kabila ng lahat ng ito ay wala pang kahit isang residente ang Zaqistan. Kahit nga ang nagtatag ng bansa na si Zaq ay hindi naninirahan sa kanyang lupain dahil maiihalintulad daw ang Zaqistan sa planetang Mars dahil sa pagiging mabato at sobrang pagiging liblib nito. Ni tubig ay wala ang Zaqistan at ang pinakamalapit na bayan ay halos 100 kilometro ang layo.
Wala naman daw siyang nagiging problema mula sa pamahalaan ukol sa pagtatatag niya ng sarili niyang bansa sa gitna ng Utah. Maari raw kasing hindi rin magawang mahanap ng mga kinauukulan ang Zaqistan dahil nasa gitna ito ng isang napakalawak na disyerto.