Misis gumanti sa playboy na mister: Ibinenta ang kanilang bahay habang nasa business trip ito

NAKAISIP nang magandang paraan si Laura Arnolds, 42, kung paano makakaganti sa asawa niyang babaero. Nang umalis ang asawang si Craig Arnolds para sa isang business trip sa United States, ibinenta niya ang kanilang bahay. Mabilis ang naging bentahan sapagkat nang mga panahong iyon, ang bahay ng mga Arnolds ay nakasangla naman sa mga magulang ni Laura. Nagka­taon din na ang website na kanyang pinag-alukan para maibenta ang property ay eksperto pala sa mabilisang pagbebenta. Isang grupo ng mga estudyante ang nakabili ng kanilang bahay sa Warwick. Pagkaraang mabili, mabilis na nag-impake si Laura at umalis.

Pagdating ni Craig mula sa business trip, nagtaka siya kung bakit hindi niya masusian ang kanilang master’s bedroom. Pinalitan na pala ang susian. Hanggang sa makita niya ang anim na estudyanteng nakabili ng kanilang bahay. Nanlulumong nilisan ni Craig ang bahay.

Nagsimula ang lahat nang matuklasan ni Laura ang panloloko ng kanyang asawa. Isang message ng babae ang nakita niya sa cell phone ni Craig. Nalimutan nito ang CP sa bahay nang umalis patungong US.

Ang message ay nagmula sa isang American woman na nagsasabing may magandang naghihintay dito pagdating sa New York. Alam na ni Laura ang ibig sabihin niyon. Magpapakaligaya ang asawa niya at ang babae nito.

Sa halip na magalit si Laura sa natuklasang pagtataksil ng asawa, nag-isip siya ng paraan kung paano makakaganti rito.

Hanggang maisip nga niyang ibenta ang kanilang bahay.

Show comments