MULING napatunayan na hindi garantiya sa isang kandidato ang napakaraming political advertisements sa radio at telebisyon.
Napatunayan na ito noong nakaraang 2010 presidential elections kung saan si dating Senador Manny Villar ang gumasta nang napakalaking pondo sa political advertisement.
Pero ang resulta, pumangatlo lang ito sa resulta ng eleksiyon at si Noynoy Aquino ang nahalal na presidente.
Tinalo pa nga ni Erap Estrada si Villar. Halos hindi pa nga gumastos si Erap dahil kalalabas lang sa bilangguan at walang malaking negosyante na sumuporta sa kandidatura.
Ngayong 2016 presidential elections ay inaaasahan natin ang pagsandal ng napakaraming kandidato sa political ads lalo na ang mga mayayamang kandidato.
Sa ngayon pa lamang ay hindi pa pormal nagsisimula ang campaign period ay si Roxas na ang nangunguna sa may pinakamaraming political ads sa radyo at telebisyon.
Para sa kaalaman ng ating mga kababayan, aabot sa P300,000 hanggang P500,000 kada isang palabas ang bayad sa telebisyon sa loob ng 30 segundo. Hindi ito kakayanin ng mga mahihirap na kandidato.
Bagamat nangunguna sa paggastos ngayon sa mga political ads si Roxas, ang masaklap ay nangungulelat naman ito sa survey.
Sa latest survey ng Pulse Asia sa Metro Manila ay nanguna pa si Davao City Mayor Rodrigo Duterte na nakakuha ng 34 per cent na sinundan ni Senator Grace Poe, 26 percent; Vice President Jejomar Binay, 22 per cent at si Roxas na 11 per cent lang .
Isinagawa ang survey dalawang linggo ang nakaraan kung saan ay hindi pa nagdedeklara si Duterte na kumandidato sa presidential elections.
Dahil dito ay hindi garantiya ang napakalaking budget sa political ads bagamat maaring makatulong ito sa mga kandidatong gusto ng mga botante at dagdag na impormasyon na lamang sa plataporma nito.