TINILIAN ang kaguwapuhan ni Canadian Prime Minister Justin Trudeau nang dumalo sa katatapos na Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) summit. Walang kamalay-malay ang mga tumitili na may pananagutan ang gobyerno ng Canada sa mga basurang itinapon nila sa bansa. Ang mga basura (103 containers) ay dumating sa bansa noong 2013 hanggang 2014. Dalawampung containers na ng basura ang itinapon sa Capas, Tarlac noong nakaraang Mayo at ang iba pa ay nananatili sa Port of Manila at Subic.
Tinanong si Trudeau sa press briefing sa International Media Center noong Huwebes ukol sa Canadian trash at wala itong malinaw na commitment ukol dito. Basta ang sabi, meron na raw solusyon na dinidebelop sa problema pero hindi naman sinabi kung ano iyon. Para bang balewala sa kanya ang basura na nagbibigay ng pangamba sa maaaring idulot sa kalusugan. Pawang household at hospital wastes ang laman ng containers.
Ang hinihintay na sabihin ni Trudeau ay ipag-uutos niya ang agarang pagbabalik ng basura sa kanilang bansa. Pero hindi ganun ang nangyari. Kaya wala nang aasahan pa sa mga nakatenggang basura sa mga pantalan sa Maynila at Subic. Tila wala nang paki ang guwapong PM dito. Baka ang kahantungan nito ay palihim na itapon din gaya nang ginawa sa Tarlac.
Nararapat na ibalik sa Canada ang mga basura sapagkat nakasaad sa Basel Convention na anumang hazardous wastes na dumating sa bansa ay dapat ibalik sa pinanggalingang bansa. May karapatang tanggihan ng Pilipinas ang basura na galing Canada. At alam ito ng Canada dahil isa sila sa mga pumirma sa international treaty noong 1992.
Dapat din namang sisihin ang Department of Environment and Narural Resources (DENR) sa isyung ito sapagkat hindi sila nagreklamo sa Chronic Plastics sa Canada na nagpadala ng mga container ng basura. Hindi naman makita ang local na kompanya na consignee ng mga basura. Lumabag ang kompanya sa Republic Act No. 6969 o ang “Toxic Substances and Hazardous Wastes Control Act of 1990.”
Nagkulang ang DENR dahil hindi ginawa ang tungkulin kaugnay sa Canadian trash.