KARANIWAN na ang mga gasera sa mga liblib na baryo sa Pilipinas o sa mga depressed area sa kalunsuran. Ito yung ilawan na nilalagyan ng gas na nabibili sa mga sari-sari store na kailangang bombahin para sumindi. O kaya iyong gawa-gawa lang sa isang maliit na bote na nilagyan ng maliit na tela para sa mitsa, lalagyan ng gas bago sisindihan. Peligroso nga lang sa sunog.
Pero, sa SALT lamp ng scientist na Pilipino na si Aisa Mijeno, hindi na kailangan ng gas at posporo para magkailaw. Tubig at asin lang ang gagamitin.
Kung hindi pa dahil sa pag-endorso ni US President Barack Obama, hindi pa mapapag-ukulan ng atensyon ang ilawang inimbento ng Pilipinang computer engineer na si Aisa Mijeno. Nilikha ni Mijeno ang Sustainable Alternative Lighting (SALT) lamp na gumagamit lang ng asin at tubig para umilaw. Alternatibo ito sa gasera na ginagamit ng mga maralitang mamamayan sa mga liblib na baryo sa Pilipinas.
Ayon sa isang ulat, sinabi ni Mijeno na ang Washington pa ang nag-imbita sa kanya para makadalo siya sa katatapos na summit ng Asia-Pacific Economic Cooperation na isinagawa sa Maynila. Dito, inindorso pa ni Obama ang imbensiyon ni Mijeno kay Jack Ma ng Chinese e-commerce giant na Alibaba dahil sa problema sa pondo para mapaunlad at maipalaganap ang SALT lamp.
Nabatid na nakatanggap na ng mga parangal ang SALT lamp ni Mijeno sa iba’t ibang organisasyon sa Pilipinas, Singapore, Japan at South Korea. Nakikipag-ugnayan din ang kanyang kompanya sa mga non-government organization at pamahalaang-lokal para maibenta at maipamahagi ang kahanga-hangang ilawan sa mga mahihirap sa liblib na mga lugar sa bansa.
Pabor din sa kalikasan ang SALT lamp dahil, ayon kay Mijeno, hindi ito nagdudulot ng sunog at walang sumisingaw na nakakalasong gas dito. Mas mainam din anya ito sa mga naninirahan sa mga baybayin dahil maaaring gamitin ang tubig-alat para mapaandar ang ilawang ito.
Pero limitado lang ang pinagagawa nina Mijeno na Salt Lamp dahil sa kakapusan ng pondo. Wala pa siya sa antas ng mass production. Batay sa mga naglalabasang pahayag, matagal na pala ang imbensiyon niyang ito pero kokonti pa lang ang nakaaalam at nakikinabang.
Isa ito sa masasabing masakit na trahedya sa buhay ng mga scientist na Pilipino. Kadalasan, kailangan pang dalhin sa ibang bansa ang kanilang imbensyon o katalinuhan para mapakinabangan, higit na mapaunlad at maipalaganap. Sa halip na ang Pilipinas ang unang makinabang sa kanila, mas mauuna pa ang ibang bansa.