Sir Juan (37)

NOON pa, alam na ni Nectar na malaki ang pagkagusto sa kanya ng classmate na si Gringo. Hindi lamang niya ito pinapansin. Guwapo naman si Gringo kaya lang ayaw niya sa lalaki ang may pagka-angas. Kapag nasa loob sila ng room ay panay ang sulyap sa kanya ni Gringo. Hindi naman niya pinapansin. Magsawa ka sa kasusulyap!

Pero ngayon ay kakailanganin niya si Gringo para matupad ang balak kay Mahinhin. Si Gringo ang sa palagay niya ang makakagawa ng naiisip niyang pagkuha ng picture habang nagsasayaw si Mahinhin sa KOLEHIYALA. Kapag nagawa iyon ni Gringo, tapos na ang maliligayang araw ni Mahinhin.

Pero ang problema ay kung paano niya sasabihin kay Gringo ang plano. Hindi siya dapat magpahalata kay Gringo na atat na atat sa hihingiing pabor. Baka sabihin pa ni Gringo na susupla-suplada e hihingi pala ng pabor.

Nang dumating siya sa room ay iilan pa lamang sila. Wala pa si Gringo. Mamaya kapag napansin niyang susulyap-sulyap ito sa kanya ay ngingitian niya. Makiki-pagtitigan siya. Tiyak na kakagat si Gringo kapag ganoon ang ginawa niya. Huhulihin niya ang kiliti ni Gringo.

Dumating si Gringo. Hindi siya nagpahalata o tumitingin man lang dito. Maghihintay siya mamaya-maya.

Nang dumating ang pro­pesor nilang babae ay natahimik ang lahat. Maya-maya nang nagsisimula na ang klase ay napansin ni Nectar na pasulya-sulyap na si Gringo. Nakikita niya sa gilid ng mga mata.

Hanggang sa sulyapan na rin niya ito.

Nagkatinginan sila.

Nginitian niya.

Ngumiti rin si Gringo.

Sapat na iyon para maipabatid na friend na sila.

Nang maglabasan sila ay napansin ni Nectar na nakabuntot sa kanya si Gringo.

‘‘Nectar!’’

Tumigil siya sa paglalakad.

‘‘Kumusta, Nec Baby?’’

‘‘Oks lang.’’

‘‘Parang ang ganda-ganda mo ngayon.’’

‘‘Matagal na. Ngayon mo lang napansin.’’

Napangisi si Gringo.

Maya-maya naglakas loob na si Nectar. Bahala na.

‘‘Puwede ka bang makausap Gringo?’’

“Nag-uusap na tayo di ba?’’

“Seryoso ako. Puwede?’’

“Sure Baby ano yun?’’

(Itutuloy)

Show comments