Marami na naman tayong natatanggap na reklamo tungkol sa mga abusadong taxi driver na nagsisimula nang mamili at ma-ngontrata ng mga pasahero.
Ito ang dapat na ngayon pa lang eh matututukan na ng mga awtoridad at maging ng LTO at LTFRB.
Komo nga malapit na ang holiday season at karamihan sa ating mga kababayan, eh ngayon pa lamang ay busy na sa kanilang mga pamimili o pagsa- shopping , kaya naman hindi maikakaila na in-demand talaga ang mga taxi na ito lalu na sa paligid ng malls.
Ang siste, oo nga’t nakapila ang mga ito, pero may ilan na tinatanggihan ang mga pasahero.
Namimili sa madaling salita.
Kung hindi man, nangongontrata. At hindi pa man nakakatakbo ang minamanehong taxi, humihirit na agad ng dagdag sa bayad.
May ilan pa nga tayong natanggap na sumbong na nakasakay na ang pobreng pasahero, habang tumatakbo kinakausap na ng driver ang sakay nag-dedemand na, eh hindi kaya ng sakay, aba’y pinababa raw ang pasahero.
Ito ang mga bastos at pasaway na driver. Dumarami na naman ang mga yan, lalu na nga sa pagpasok na susunod na buwan.
Dapat magsagawa rin ng sorpresang inspeksyon ang mga kinauukulan sa ilang mga taxi na nakapila sa mga mall.
Marami rin raw sa mga ito ang hindi na nakakasunod sa paglalagay ng mga ID sa taxi na makikita ng mga pasahero kaya hindi nakukuha ang pangalan.
Talagang pagsasapit ang ganitong panahon marami ang nanamantala hundi lang sa mga pagsasakay kundi sa marami pang paraan.