Sir Juan (36)

LALO nang nakadama ng pagkainis si Nectar kay Mahinhin nang makitang nanggaling sa kuwarto nito si Sir Juan. Palagay niya, may namamagitan na sa dalawa. Baka may nangyayari nang hindi maganda. Nagpuyos ang kalooban ni Nectar. Hindi siya papayag! Hindi siya patatalo sa isang babaing nagbibilad lamang ng katawan para kumita!

Kinuha niya ang cell phone at binuksan. Hinanap ang mga kuha niya kay Mahinhin. Nang makita ay nadesisyon na siyang ipakita iyon kay Sir Juan. Kailangang malaman ni Sir Juan ang totoong trabaho ni Mahinhin at hindi ito dapat kaawaan. Bukod sa malaswa ang trabaho ay ubod pa ng sinungaling na ang ipinamamalita ay sa isang pabrika nagtatrabaho at bookkeeper daw. Sinu-ngaling na babae!

Tinungo na niya ang opisina ni Sir Juan at handa nang ipakita ang photo na pumapasok si Mahinhin sa KTV bar na KOLEHIYALA.

Pero wala si Sir Juan sa opisina nito. Baka nasa kuwarto nito.

Naghintay siya. Pero wala pa rin.

Hanggang maisip ni Nectar na kailangang dagdagan niya ang ebidensiya para maging matibay ang pagsusumbong niya. Kailangang makakuha siya ng larawan kung saan ay nagsasayaw nang hubad si Mahinhin sa KOLEHIYALA. Pero paano niya makukunan? Papasok siya sa KOLEHIYALA? Baka mapagkamalan siyang dancer.

Nag-isip ng paraan si Nectar. Kailangang maisagawa agad iyon para maipakita kay Sir Juan.

Hanggaang maalala niya si Gringo na kaklase niya at malaki ang pagkakagusto sa kanya. Ito ang uutusan niya na kunan si Mahinhin habang nagsasayaw sa KOLEHIYALA. (Itutuloy)

Show comments