MAY isang maliit na bayan na napapalibutan ng bangin. Kadalasan ay aksidenteng nahuhulog ang mga tao sa nabanggit na bangin kaya’t naisipan ng Good Samaritan na mag-raise ng fund upang makabili sila ng ambulansiya. Ito ay naka-stand by sa plaza upang anumang oras na may maganap na aksidente ay agad maisusugod ang pasyente sa ospital.
Ngunit may isang matalino na tumutol sa pagbili ng ambulansiya. Bakit daw hindi gamitin ang pondong malilikom sa pagpapagawa ng sementong bakod sa paligid ng bangin? Sa ganitong paraan, maiiwasan ang aksidente. At kung walang aksidente, hindi na kakailanganin ang ambulansiya. Bakit hihintayin pang masaktan kung puwede namang iwasan?
Ngunit karamihan sa mga mamamayang nakatira sa bayang iyon ay hindi ganoon kalalim mag-isip. Dahil dito, tutol sila sa suggestion ng matalino. Hindi nila makuha ang ipinupunto ng matalino. Kaya ang ending, gusto pa rin nilang ituloy ang planong pagbili ng ambulansiya.
Base sa istorya, makikita ninyo ang dalawang klase ng matulunging tao: 1) Tutulong pagkatapos maperwisyo ang kanyang kapwa. Tawag sa kanila ay Good Samaritan 2) Tutulong upang protektahan ang kanyang kapwa laban sa aksidente. Ito tinatawag na the Better Samaritan. Alin ka sa dalawa?