NGAYONG buwan na ito, tatlong beses nang nagsasagawa ng paggalugad ang mga awtoridad sa mga dormitoryo ng National Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City at hindi pa rin maubus-ubos ang mga kontrabando sa loob. Nang magsagawa nang paggalugad noong Miyerkules ang jail guards, marami na namang nakumpiskang matatalas na bagay, TV sets, refrigerators, cell phones, at iba pang kontrabando.
Nang magsagawa ng unang search operations sa dormitoryo ng Commando at Sigue-Sigue Sputnik gangs, nadiskubre ang mala-armory sa loob. Natagpuan ang maraming matataas na kalibre ng baril, maraming bala at iba’t ibang uri ng bladed weapon. Ang mga baril ay ibinaon sa suwelo. Nang tungkabin ang mga tiles, natambad ang mga baril na kinabibilangan ng UZI, shotgun, calibers .45 at 38. May mga baril na nakabaon sa barya. Sabi ng NBP official, mas marami pa raw baril ang inmates kaysa mga jailguard. Bukod sa mga baril at bala, nakakumpiska rin ng drug paraphernalias.
Nang muling salakayin makalipas ang isang linggo ang mga dormitory, marami na namang nakumpiskang mga armas na matataas ang kalibre. Marami ring nakumpislang bala at mga matatalas na bagay – kutsilyo, itak, gunting at iba pang patalim na gawa sa kutsara at tinidor.
Kahit araw-arawin ang pagsalakay sa mga dormitoryo, marami pa rin ang makukumpiska. Hindi nauubos. Patuloy ang pagbuhos sa loob ng mga kontrabando.
Ang tanong ay kung paano nakapasok ang mga kontrabando. Paulit-ulit na lamang ang tanong na ito. Nakapasok ang mga kontrabando sa loob dahil sa mga corrupt na jail guards. Wala namang ibang pagdadaanan ang kontrabando kundi sa main entrance. Sisilawin sa pera ang jail guards at hindi na makikita ang mga ipapasok na armas, bala at patalim --- pati shabu.
May nagmungkahing mga sundalo ang magbantay sa NBP. Dapat pakinggan ang kahilingang ito. Kung sundalo ang magbabantay, tiyak na hindi sila matatapalan ng pera. Makatitiyak nang walang maipapasok na kontrabando o shabu.