Si Ret. SPO2 Zhornack na ang kolektor ni Gen. Nana?

FLASH Report: Ang kompanyang Tactical Alliance of Shooter na pala ang nakakupo ng gun safety seminar (GSS), ang isa sa requirements para sa License to Own and Possess Firearms (LTOPF). Ang opisina ng kompanya ay sa Las Piñas kaya’t siguro ang firing range sa Camp Crame ang ginagamit nila para sa actual test ng GSS. Medyo mataas ang P500 na singil ng kompanya para sa GSS certificate kaya’t madami ang LTOPF applicant ang nagtatanong kung dumaan ba sa bidding ang naturang proyekto ng PNP. Ilan na bang senior officers ng PNP ang dinismis ng Ombudsman at marami pa ang nakasuhan? Punyeta! Maging busy na naman ang Ombudsman pag nagkataon.

* * *

Habang naglilipana ang pekeng produkto at imported na paputok mula China nina Manny Sy, Anthony Chong at Vicente Cheng sa Divisoria, ang pangalan ni Manila Police District (MPD) director Chief Supt. Rolando Nana ang nagigisa. Kinakalat kasi ng mga alipores nina Sy, Chong at Cheng sa Divisoria na hindi sila kayang tibagin ni Nana dahil “direkta” sila. At hindi lang si Nana ang ginigisa nitong tatlong itlog kundi maging si Jude Estrada, ang anak ni Manila Mayor Erap Estrada. Punyeta! Sino ba ang babangga dito kina Manny Sy, Anthony Chong at Vicente Cheng kung ganito ka-bagyo ang padrino nila? Subalit hindi pa tapos ang laban, di ba mga kosa? Hehehe! Weder-weder lang ‘yan!

Uulitin ko mga kosa, ang parating ni Manny Sy ay produktong peke galing China tulad ng Likas Papaya, Safeguard, Magic Sarap at mga sigarilyo samantalang itong kina Anthony Chong at Vicente Cheng naman ay mga imported paputok. Siyempre, para makaiwas sa tamang tax, pinaparating ng tatlong itlog ang kanilang produkto sa Southern backdoor at sa pamamagitan ng misdeclaration o technical smuggling. At ang itinuturong tulay ng tatlong itlog kay Gen. Nana ay itong kaibigan kong si ret. SPO2 Eric Zhornack. Lilinawin ko mga kosa, na ang parating nina Manny Sy, Anthony Chong at Vicente Cheng ay hindi lingguhan tulad ng sa pasugalan, bold shows, putahan, kotong at iba pa, kundi isang bagsakan lang. Dahil ang operation ng tatlong itlog ay mula Setyembre hanggang sa Bagong Taon ang timbre nila na mula P120,000 hanggang P150,000 ay ibinibigay sa buwan ng Nobyembre. Punyeta! Nakapagbigay na kaya ng timbre itong sina Sy, Chong at Cheng? Ano sa tingin n’yo mga kosa? Dapat lang sigurong pasyalan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang Divisoria para kumpiskahin itong pekeng produkto ni Manny Sy at imported paputok nina Anthony Chong at Vicente Cheng na mismong pulis ang nagbebenta. Di ba PO3 Maniquez Sir? Hehehe! Puede din mamasyal doon ang CIDG at NCRPO at ‘yan ay kung di pa sila nakatanggap ng “timbre”, di ba mga kosa?

Sa totoo lang, sinibak ni Gen. Nana itong hepe ng District Special Operations Unit (DSOU) na si Chief Insp. Jesus Respes para bigyan daan ang pagiging tong collector ni Zhornack. Si Respes kasi mga kosa ay identified sa kampo ni resigned PNP chief Dir. Gen. Alan Purisima. Kung ilang beses tinangkang sibakin ni Gen. Nana itong si Respes noon pa subalit nakakabalik din dahil siya mismo ay si Purisima din ang nagtalaga. Sa pagsibak ni Gen. Nana kay Respes, ginamit n’ya si Mayor Erap para makaiwas sa utang na loob kay Purisima. Punyeta! Ang maaring itanong kay Gen. Nana ay “Utang na loob o pitsa?” O alam n’yo na ang kasagutan ni Gen. Nana, di ba mga kosa?

Sa ngayon, abala si Zhornack sa pagtatawag sa taga-media para i-anunsiyo na siya na ang tong collector ni Gen. Nana. “I shall return” ika nga, di ba mga kosa? Ang pumalit pala kay Respes ay itong si Chief Insp. Roberto Mupaz. Tinitiyak ng mga kosa ko na suwelduhan na lang itong si Mupaz at gagamitin lang s’yang front ni Zhornack. ‘Ika nga, tando-tando na lang si Mupaz ng isang retiradong pulis. Punyeta! Paano masuweto ng PNP itong si Zhornack eh retarded…este retired na s’ya? Abangan!

Show comments