MANINIWALA ba kayong mahirap pa sa daga ang taong nag-imbento ng pangmayamang bag na Louis Vuitton?
Ipinanganak si Louis Vuitton noong 1821, sa Anchay, isang maliit na bayan sa France na pulos mga mahihirap na manggagawa lang ang naninirahan. Ang tatay niya ay isang magsasaka at ang ina naman ay namamahala ng isang maliit na kiskisan ng trigo. Sa kasamaang palad ay namatay ang kanyang ina noong 10 taon siya. Isang araw ay nag-uwi ng babae ang kanyang ama na naging evil stepmother sa kanya. Sa edad na 13, nagpasya siyang layasan ang pamilya dahil napagod na siya sa buhay probinsiya at kalupitan ng kanyang madrasta.
Naglakad siya mula Anchay patungong Paris sa loob ng dalawang taon. Habang naglalakad siya patungo sa Paris, humihinto rin naman siya sa bayan-bayan para magtrabaho. Ito ay upang masuportahan niya ang kanyang pangangailangan. Palibhasa ay pahintu-hinto siya kaya umabot ng dalawang taon bago niya marating ang Paris noong 1837. Sinuwerteng natanggap siya sa pagawaan ng “baul”. Noong araw ay wala pang maleta. Baul na yari sa leather ang pinaka-maleta noong araw.
Natuklasan ni Louis na sa paggawa pala ng baul ang kanyang talent. Nang tumagal ay naging sikat siya sa craft na ito. Na-impressed ang Empress of France, na si Eugenie de Montijo sa mga ginawa niyang baul. Pulido raw ang mga gawang baul ni Louis kaya kinuha siya ng Empress bilang personal maker ng kanyang baul. Si Eugenie ay misis ni Napoleon III, Emperor of the French. Mahilig mag-travel ang empress kaya lagi siyang nagpapagawa ng baul.
Ang mayayaman noon ay payabangan din ng kanilang baul kapag nagbibiyahe sakay ng barko o tren. Sa pamamagitan ng empress ay kumalat sa mayayaman niyang amiga ang husay ni Louis sa paggawa ng baul kaya nadagdagan ang kanyang mayayamang kliyente. Sa pagkakataong ito, nagtayo na si Louis ng sariling pagawaan ng sosyal na baul. Noong 1914 ay itinayo ang Louis Vuitton building sa Champs-Élysées, Paris, ang pinakamalaking travel-goods store sa buong mundo. Nang lumaon ay nag-expand na sila ng produkto at gumawa na ng iba’t ibang klaseng handbags. Akalain ba ni Louis Vuitton na ang brand name niya ay magiging synonym ng success, wealth, at kasosyalan?