Mistulang paulit-ulit na lamang ang nangyayari sa loob ng New Bilibid Prisons.
Noon lamang nakaraang linggo sorpresang nagsagawa ng raid ang mga awtoridad sa mga selda sa maximum security compound, at nakita ba ninyo ang mga nasamsam na sangkaterbang mga baril at mga bala na nakabaon mismo sa loob ng mga selda?
Hindi lang yan, nakasamsam din ng mga droga, patalim at gaya ng dati mga kapritsong mga kagamitan o appliances sa ilang mga kubol ng mga VIP.
Hindi nga ba’t ilang buwan ang nakalipas nang magsagawa ng raid dito ay doon natuklasan ang mga kapritso ng ilang VIPs na preso. Naging daan pa nga ito para ilipat ang ilang mga prominenteng bilanggo sa piitan ng NBI.
Matinding paghihigpit ang isinagawa simula noon, sinuspinde pa nga ng ilang araw ang dalaw pero ilang buwan eto na naman, nagsagawa uli ng paggalugad sa mga gusali sa compound, ngayon meron na naman.
Ang mga nasamsam na armas, mistulang may armory na ang mga preso sa loob, ang tanong nga ng marami, bakit nagkakaganito?
Mahigpit nga ba o sobrang luwag ng seguridad sa pambansang piitan kaya naipapasok ang mga ito.
Kung ang idadahilan ng pamunuan eh, isinasabay ang mga armas na ito sa mga ipinapasok na construction material o kung ano mang delivery sa loob, bakit hindi ba sinasalang mabuti ang ipinapasok, maging sa lumalabas. Kung maluwag na sa mga pumapasok, baka lalu nang maluwag sa paglabas.
Baka kamukat-mukat, sumasabay na ang mga preso sa mga lumalabas na mga delivery vehicle sa loob.
Ang mas nakakaalarma rito, sa dami ng armas ng mga preso sa loob gaya ng nakumpiska, baka dumating ang araw mga preso na ang bantay sa loob at sila na ang nagmamando sa mga prison guards.
Ngayon mainit ang isyu, kaya sigurado matindi ang paghihigpit sa seguridad pero pag lumamig na ang isyu, malamig na rin ang security.
Kaya ang resulta, masanay na tayo, paulit-ulit lang yan!