Mga Kano magiging unang tao sa Mars?
NAPAULAT na ang National Aeronautics Space Administration ng United States ay kasalukuyang naghahanap at nangangalap ng mga bagong astronaut na sasanayin at paglalayagin patungo sa planetang Mars. Siyempre pa, dapat residente ng Amerika ang aplikante, nakatapos ng biological science, physical science, mathematics, malinaw ang paningin, at may karanasan sa pagpapalipad ng eroplano ang aplikante. Isa ring maituturing na indikasyon na patuloy na aktibo ang NASA sa mga programa nito para sa pagbibiyahe at planong pagtatayo ng kolonya ng tao sa pulang planeta.
Kung magkataong matutuloy ang balak ng NASA, malamang mga Amerkano ang bubuo sa unang kolonya ng mga tao na maninirahan sa Mars. Pero hindi naman siguro mamomonopolisa ng mga Amerkano ang naturang planeta. Batay sa mga nababasa ko, merong kasunduan ang mga bansa sa buong mundo na walang sino man o anumang bansa na maaaring umangkin at magmay-ari sa alin mang mga planeta bukod sa daigdig at iba pang mga bagay sa universe. Kaso, dahil nga ang NASA ang merong kaukulang mga makinarya at kasanayan, merong tendensiyang ang mga ipapadala nilang mga unang tao sa Mars ay mga mamamayan ng Amerika lalo pa at ang kanilang pondo ay nagmula sa pera ng mga taxpayer ng naturang bansa. Sabagay, meron din namang mga tauhan at astronaut ang NASA na iba ang lahi bagaman may dugong Amerkano pero mapagdududahan kung nasaan ang kanilang katapatan.
Meron din namang balak ang ibang mga maunlad na bansa na magsagawa ng misyon sa Mars pero tila hindi pa gaanong makausad tulad ng sa Europe, ilang bansa sa Middle East at maging ang China. Hindi ako sigurado kung meron ding programa sa Mars ang Russia bukod sa pagiging kabalikat ng Amerika sa operasyon ng International Space Station. Wala nang nababalitaan sa Mars One Foundation na isang pribadong kumpanya na naglunsad ng proyekto sa pagpapadala at pagtatayo ng unang kolonya ng tao sa Mars. Ilang taon itong nangalap ng mga tao mula sa iba’t ibang bansa na gustong manirahan nang permanente sa Mars. Sa huling pagkakabalita ko, problemado rin ang kumpanya sa pondo.
Parang labu-labo ang nangyayari sa Mars mission na iyan. Parang suwerte na lang kung sino ang magtatagumpay na unang makakatuntong sa naturang planeta. Bagaman itinuturing na para sa buong sangkatauhan ang anumang mga proyektong pang-siyensiya tulad ng space exploration, bawat bansang nagkakaroon ng oportunidad ay may kanya-kanyang programa para sa pagtungo sa Mars. Saan na papasok dito ang maliit na bansang tulad ng sa Pilipinas na walang sariling space program? Maiiwan na lang siya o makikisakay na lang ba siya sa kaalyado niyang Amerika kung pasasakayin nga siya?
- Latest