(BITAG New Generation)
TRENDING at viral sa social media ang palabas ng BITAG na ‘unfit to work.’
Modus ng mga klinikang pang-manggagawa o sadyang pagbagsak sa isang aplikanteng overseas Filipino worker (OFW).
Gustong mag-trabaho sa ibang bansa para guminhawa ang buhay pero ibinabagsak ng mga doktor ng klinika sa medical examination.
Sa halip ideklarang walang sakit, ina-unfit to work lalo na kung alam nilang wala silang makukuhang pera.
Tulad ni Racell, isang OFW na tatlong beses nang pabalik-balik sa Taiwan. Hindi nakuha ang kontratang iniaalok ng dating employer dahil ibinagsak ng St. Peter – Paul Medical clinic sa kaniyang medical exam.
Katwiran ni Dra. Cynthia Romero, kahit na peklat na lang ang nakita niya sa kaniyang x-ray, di pa rin daw pasado ang aplikante.
Taliwas sa sinasabi ng mismong mga dalubhasa nang radiologist at pulmonologist na nag-interpreta sa chest x-ray ni Racell. Fit to work, fit to study at fit to travel ang resulta.
Subalit, ayaw itong tanggapin at kilalanin ni Dra. Cynthia Romero. Sarado na raw ang St. Peter – Paul Medical Clinic kahit na awtoridad pa sa pulmonary o baga ang nagdekalang fit to work si Racell.
Placement fee ang nakikitang dahilan ng BITAG kung bakit ibinagsak ng medical clinic na may kaugnayan sa World Wiser Agency ang aplikante.
Marami pang mga OFW ang biktima ng mga klinikang pang-manggagawa. Bukas ang tanggapan ng BITAG sa mga nakaranas ng ganitong uring inhustisya.
Uploaded ang ‘UNFIT TO WORK’ sa bitagtheoriginal.com click BITAG New Generation.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.