Lugmok sa sama

Sa mga lansanga’y nagkalat ang bisyo

Ang sugal, babae, alak at ang opyo

Ang mga paninda’y mataas ang presyo

at ang mga ganid nagkalat sa kanto!

 

O, ano pa nga’t lahat na ng sama

tila naipon na sa mahal ‘tang bansa;

mga pulitikong dapat halimbawa

siya pang kapural sa gawaing lisya!

 

Kaya isa na lang ang tanging pag-asa

nitong mamamayang dahop sa ligaya;

kung mamarapatin ng poong lumikha

ang lahat ng taksil lunurin sa baha!

 

Baha nga ang tanging panlunas sa lahat

ng dusa ng ating bansang nagsasalat;

katulad ng noon sa mundo’y naganap

baha nang maglaho’y biglang nagliwanag!

Show comments