BAGAMA’T nagtataka si Juan kay Mahinhin kung bakit sa gabi ito nagtatrabaho at hindi sa araw gaya ng ginagawa ng ibang estudyante, humahanga naman siya rito. Sa lahat nang boarders niya si Mahinhin lamang ang working student. Siya ang tanging nagpapaaral sa sarili. Ang kanyang boarders ay pawang umaasa sa padalang pera ng mga magulang mula sa probinsiya. Kapag hindi pinadalhan, nganga lahat ang mga ito. Kaya nakakahanga ang katulad ni Mahinhin na sinusuportahan ang sarili.
Gusto malaman ni Juan kung saan nagtatrabaho si Mahinhin. Parang hindi siya makapaniwala na sa isang pabrika ito nagtatrabaho. Pabrika kaya ng ano ang pinagtatrabahuhan? Baka pabrika ng mga sitsirya. Ang alam niya, nagha-hire ng taga-balot ng sitsirya ang mga Chinese na may-ari ng factory. Baka nga. At alam niya, alas sais na ng umaga uuwi si Mahinhin. Kakaawa naman. Siguradong antok na antok si Mahinhin. Pagbagsak ng likod sa kama ay tiyak na tulog agad.
ISANG umaga nag-inspeksiyon si Juan sa kabuuan ng bahay at baka may nakakapasok na bubuwit. Bawat kuwarto ay pinapasok niya at tinitingnan kung may mga gumagalang bubwit at iba pang insekto gaya ng ipis.
Wala naman. Malinis pa ang boarding house niya.
Pabalik na si Juan sa kanyang opis nang makita siya ni Nectar.
“Sir Juan!’’
Lumingon siya.
“O Nectar. How are you?’’
“Okey lang po Sir Juan.’’
“Good.’’
“Sir Juan, sorry sa nangyari noong isang araw. Nabasa ka tuloy.’’
“Okey lang Nectar. Huwag mo nang problemahin yun.’’
“E may itatanong lang ako, Sir Juan.’’
“Ano?’’
“Sino po yung nakatira sa kuwarto ng iyong nanay? Nakita ko kahapon,’’
“A si Mahinhin yun.’’
(Itutuloy)