TULAD ng dati nakita na naman natin ang eksena na nagkukumahog ang mga Pilipino na magparehistro sa Comelec upang makaboto aa 2016 elections.
Ang masaklap nito, naiirita raw ang ating mga kababayan dahil sa haba ng pila sa Comelec para magparehistro o ipa-update ang kanilang talaan partikular ang biometrics.
Napakahabang panahon ang ibinigay ng Comelec sa mga botanteng may sapat na gulang subalit kung kailan malapit na ang deadline, saka magsisiksikan ang mga ito.
Ayon sa Comelec, nasa tinatayang nasa milyong botante pa ang hindi nakakapag-biometrics at nanganganib na hindi makaboto sa eleksiyon.
Hanggang sa Sabado (October 31) na lamang ang deadline ng pagpaparehistro kaya naman lahat ay nagmamadali ngayon.
Hindi lang sa ganitong pagkakataon ito nangyayari, pati sa pagpa-file ng income tax at iba pa ay madalas na ang ganitong eksena.
Ika nga ay ugaling Pinoy daw ito na kung kailan malapit na ang deadline ay saka nagkukumahog. Panahon na upang baguhin ang ganitong ugali ng mga Pilipino dahil tayong lahat din ang apektado nito.
Mas makakabuting laging mauna at dinggin ang mga anunsiyo at panawagan na agarang tumugon upang makaiwas sa anumang aberya.
Ayon sa Comelec, malabo na ang pagpapalawig pa ng deadline bagamat ikinukonsidera sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng Bagyong Lando.