SIMULA bukas, inaasahan nang dadagsa sa mga bus terminal ang mga taong uuwi sa probinsiya para gunitain ang Undas. Aapaw sa tao ang bus terminal at tiyak na mag-aagawan para makasakay. Sa ganitong sitwasyon dapat mahigpit na nagbabantay ang mga awtoridad, partikular ang Metro Manila Development Auhtority (MMDA) at Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB). Siguruhin ang kaligtasan ng mga pasahero sa pamamagitan ng pag-inspeksiyon sa mga bus at higit sa lahat, sa drayber nito. Siguruhin na hindi nakainom o naka-take ng shabu ang drayber ng bus.
Noong nakaraang taon, isang driver sa Araneta Bus Terminal ang nahuling lasing habang naka-duty. Hindi makapagkaila ang bus driver sapagkat ginamitan siya ng breath analyzer nang magsagawa ng random drug test ang MMDA. Nag-positibo sa traces ng alcohol ang drayber na nang araw na iyon ay bibiyahe pa naman patungong Bicol. Kung hindi natesting ang drayber, maaaring trahedya ang kahantungan.
Nararapat inspeksiyunin o magsagawa ng biglaang drug testing sa mga driver para maiwasan ang malalagim na aksidente. Huwag ding kalimutang inspeksiyunin ang mga bus at baka wala nang preno ay ilalabas pa rin para lamang kumita nang limpak. Sa pagnanasang kumita, hindi na inaalala ng mga bus company ang kaligtasan ng mga pasahero. May mga bus na dumadayb sa bangin at ang laging katwiran ng mga drayber ay nawalan daw ng preno. Pumalya raw ang preno habang pababa sa bundok ang bus. Sumasailalim ba sa maintenance check-up ang mga bus bago ibiyahe o takbo lang nang takbo?
Isa rin sa madalas masangkot sa trahedya ay ang mga barko. Marami nang barko ang lumubog kahit na wala namang sama ng panahon o bagyo. Karaniwang dahilan ay lumubog dahil sa sobra-sobra ang pasahero. Pinapayagang makaalis ng Coast Guard kahit na bawal ang magsakay nang sobra. Mayroong mga barko na hindi nakalista ang mga pangalan ng pasahero at nakakalusot ang mga ito sa awtoridad. Kapag lumubog na ang barko at marami ang namatay, saka magtuturuan ang may-ari ng barko at Coast Guard. Sa dakong huli, ang mga kawawang pasahero ang talo.
Tiyakin ang kaligtasan ng mga pasahero ngayong Undas. Magkaroon na ng aral sa mga nangyaring trahedya.