NAKASAAD sa Republic Act 10643 (Graphic Health Warning Law) na sa loob ng isang taon, dapat nang makita sa pakete ng mga sigarilyo ang text warning at graphic images ng mga sakit na nakukuha sa paninigarilyo. Isang taon na ang nakalilipas mula nang isabatas ang RA 10643 pero hanggang ngayon, wala pang mga picture ng sakit sa kaha o pakete ng mga sigarilyo. Kabilang sa mga picture ng sakit na dapat makita sa kaha ng yosi ay kanser sa baga, lalamunan, bibig, pisngi, dila. emphysema, katarata at sakit sa puso.
Totoo kaya na ang dahilan kaya hindi inilalagay ang mga graphic images sa pakete ng yosi ay dahil patuloy pa ang pagla-lobby ng cigarette manufacturers sa Department of Trade and Industry (DTI)? Hindi pa raw sumusuko ang mga kompanya ng yosi para maatrasado ang paglalagay ng mga ito. Mara-ming nangangamba, lalo na ang cancer survivors na hindi maipatupad ang batas. Bago naipasa ang RA 10643, inabot nang maraming taon dahil sa pagtutol ng mga kompanya ng sigarilyo.
Bukod sa paglalagay ng mga retrato ng sakit sa pakete, obligado rin ang cigarette companies na ilagay ang mga mensahe na nagpapaalala na masama sa kalusugan ang paninigarilyo. Sa kasalukuyan, maliit na mensahe lamang ang nakalagay sa bawat kaha ng sigarilyo na halos hindi mabasa. Layunin ng paglalagay ng mga retrato ng sakit sa mga kaha na mapigilan ang mga naninigarilyo at mga nagbabalak pa lamang. Inaasahang marami ang magdadalawang-isip na manigarilyo kapag nakita ang mga retrato ng nakamamatay na sakit.
Sa Southeast Asia, tanging ang Pilipinas na lamang ang walang graphic warning sa kaha ng sigarilyo. Sa ginawang pag-aaral, maraming tumigil sa paninigarilyo nang makita ang nakaririmarim na sakit na nakalarawan sa kaha ng yosi. Kabilang sa mga bansa na nabawasan nang malaki ang nagyoyosi ay ang Thailand, Australia at Canada. Sa tala ng Department of Health (DOH), 87,600 Pilipino ang namamatay taun-taon dahil sa paninigarilyo.
Ipatupad na ang nakasaad sa batas. Puwersahin ang cigarette manufacturers na ilagay sa pakete ang warning at graphic images ng mga sakit na nakukuha sa pagyoyosi.