KADALASAN ay biyenang babae ang nakakaaway ng manugang pero itong kakilala ko, biyenang lalaki ang nanugod sa manugang na babae. Hindi na nahiya. Kalalaking tao, siya ang matanda, siya pa ang nanugod sa babae. Sa isang gentleman, at amang mapagmahal sa anak, hindi nito magagawang sugurin at saktan emotionally, ang misis ng kanyang anak. Kaharap ang mister ng aking kakilala nang sumugod ang kanyang biyenan. Sa sobrang shock ng kanyang mister, napatunganga na lang ito sa ginawa ng ama.
Tumutulong sa tindahan ng aking kakilala ang mag-amang ito—bale biyenan at hipag niya. Bukod sa suweldo, ang mag-amang ito ay ipinagluluto pa ng aking kakilala para sa kanilang tanghalian. Ang kanyang hipag ang nagboboluntaryong maghugas ng pinggan, na tama lang, dahil ang kakilala ko ang namamalengke at nagluluto.
Sa hindi maintindihang dahilan ng aking kakilala, ang hipag na ito ay nagsumbong sa kanyang ina na inaalila raw siya ng aking kakilala. Palibhasa ay matagal nang may kinikimkim na asar ang biyenang babae simula nang ikasal ang anak nito sa aking kakilala, sinulsulan nito ang asawa na sugurin ang kanilang manugang. Nagkataon naman na may kinikimkim din hinanakit ang biyenang lalaki, bigla itong sumugod nang hindi nag-iimbestiga. Walang pakundangan na pinagsalitaan nito nang masasakit ang aking kakilala sa harap ng mga tauhan ng tindahan.
Ang konklusyon ng mga nakarinig na alam ang puno’t dulo ng kaguluhan, inggit ang pinag-ugatan ng pagsusumbong ng hipag at panunugod ng biyenan. Ang ending wala ngayong trabaho ang hipag ng aking kakilala. Siya ang tinanggal sa trabaho. Malaking tulong sana ang sinusuweldo nito sa naghihirap niyang pamilya. Kaya lang, nanatiling katulong sa tindahan ang biyenang lalaki. Mabait na anak ang asawa ng aking kakilala. Hindi nito matanggal ang ama, sa kabila ng pambabastos nito sa kanyang misis.
Sa aking kakilala ako naaawa. Isinasama ko na lang siya sa aking mga panalangin. Bigyan pa sana siya ng Diyos ng sapat na lakas para sanggain ang mga batong ipinupukol sa kanya ng pamilya ng kanyang asawa.