EDITORYAL – Panganib ng dengue sa binahang lugar
PINANGANGAMBAHAN ang pagdami pa ng kaso ng dengue sa mga lugar na binaha dahil sa Bagyong Lando. Hanggang sa kasalukuyan, marami pang lugar sa Northern at Central Luzon ang lubog sa tubig. Bumubuhos pa rin ang ulan sa mga nabanggit na rehiyon dahil hindi pa tuluyang nakalalayo ang bagyo. Umano’y sa Linggo pa lalabas ng bansa ang bagyo kaya inaasahan pa ang mga pag-ulan at pagbaha. Nakapagtala ng 17 patay ang bagyo. Sa kasalukuyan, tinatayang 60,000 katao ang naapektuhan ng bagyo at karamihan sa kanila ay nasa evacuation centers at nangangailangan ng tulong.
Paboritong tirahan ng mga lamok na may dengue ang mga kanal na hindi umaagos ang tubig. Madali silang dumami. Sa ulat ng Department of Health (DOH), nasa 92,807 kaso ng dengue ang naitala. Mataas ito (23.5 percent) kumpara sa nakaraang taon. Tumaas ang bilang ng mga nagka-dengue sa Calabarzon, Metro Manila, Central Luzon at Cordillera. Ayon sa DOH, mamamahagi sila ng insecticide-treated screen (ITS) para panlaban sa mga lamok na may dengue. Ang ITS ay nag-e-emit ng permethrin, isang insecticide na nasa strand ng screen na pumapatay sa mga lamok. Epektibo umano ito at ang unang lalagyan ay ang mga school. Nasa panganib ang mga bata sa dengue sapagkat maraming oras silang nasa school. Kadalasang nangangagat ang mga lamok dalawang oras makaraang sumikat ang araw at dalawang oras bago lumubog.
Maganda ang imbensiyon na ito at nararapat na magamit laban sa mga lamok upang maiwasan ang pagkalat ng dengue. Mas maganda kung makapaglalagay ng mga ito sa binahang lugar na posibleng pinamumugaran ng mga lamok na may dengue.
Pinapayuhan naman ang lahat na maglinis sa kapaligiran upang walang matirahan ang mga lamok. Lahat nang mga posibleng pangitlugan --- mga boteng walang laman, paso, biyak na goma, dram at iba pa ay linisin. Delikado ang dengue. Marami nang namatay dahil sa sakit na ito.
- Latest