MAHILIG kumain ng appetisers si Horacio Rodriguez, 42, ng Buenos Aires, Argentina. At ito ang naiisip niyang dahilan kaya siya aksidenteng nakalunok ng tootpick. Nang operahan ng mga doktor, nakuha ang toothpick sa kanyang puso.
Nagtungo sa doktor si Horacio at idinadaing ang pananakit ng kanyang dibdib at may mataas na lagnat.
Findings ng doktor meron siyang pneumonia. Binigyan siya ng gamot.
Subalit nang muli siyang kumunsulta dahil inuubo siya at may kasamang dugo ang dura, sabi ng doktor, may infection siya sa puso. Binigyan uli siya ng antibiotics.
Pero wala ring epekto ang ibinigay na gamot.
Hanggang bumaba ang kanyang timbang at lalo pang sumakit ang dibdib.
Sabi ng mga doktor, kailangang ma-ultrasound ang pasyente.
Nang ma-ultrasound, may nakitang bagay ang mga doktor na nasa kanyang puso. At hula nila, isa itong catheter na na-insert kay Horacio noong tinedyer dahil sinalinan ito ng dugo.
Agad na isinagawa ang operasyon kay Horacio. Pitong oras ang operasyon.
Una muna nilang inalis ang dugo sa puso ni Horacio para makita nang malinaw ang bagay sa loob. At hindi makapaniwala ang mga doktor nang makita ang toothpick sa loob niyon.
Ayon sa mga doktor, ito ang unang pagkakataon na nakakita sila ng toothpick sa puso.
Nang kapanayamin si Horacio, hindi rin siya makapaniwala na may toothpick sa puso niya. Sabi niya, ang kahiligan sa pagkain ng appetisers ang dahilan nang lahat.