HINDI dapat akusahan na bagito sa larangan ng pulitika si Mandaluyong mayoral bet Menchie Abalos. Ayon kay Mayor Benjamin “Benhur” Abalos Jr., sa mahigit 20 years niya sa pulitika, ang asawa niya na si Menchie ay kaakibat niya sa pagtrabaho. Kaya lang, low profile lang si Menchie, aniya. Sinabi pa ni Abalos na malaki ang role na ginampanan ni Menchie para makamit ng siyudad ng Mandaluyong ang award na Seal of Good Governance, kung saan tatlong siyudad lang sa Metro Manila ang nakakuha. Masyadong prestigious ang award na ito dahil pati opinion ng Commission on Audit (COA) ay kasama sa mga datus dito. Hindi lang ‘yan! Malaki din ang papel ni Menchie sa mga alituntunin ng siyudad sa disaster risk, nutrition at maging sa peace and order. O hayan, hindi lang pang ribbon cutting si Ma’m Menchie, ha mga kosa? Sa totoo lang, magaling magluto si Abalos na umamin na “ladies first” siya. Ang ibig sabihin mga kosa, kay Misis palagi ang suweldo niya, hehehe! ‘Wag n’yo na bigyan ng masamang meaning ang “ladies first” ha?
Si Menchie, kasama ang buong line-up niya ay nag-file na ng kani-kanilang Certificate of Candidacy (COC) noong Lunes. Wala nang balakid sa pagtakbo niya. Teka nga pala! Kasama ni Menchie sa tiket niya si Quennie Gonzales na tatakbo bilang representante ng Mandaluyong City at ang papalitan n’ya ay ang asawang si House Majority leader Neptali Gonzales Jr., hehehe! Kapwa mga asawa nila ang papalitan nina Menchie at Quennie, dahil mga third termer na sila. Sa pagkaalam ko mga kosa, dating TV reporter si Quennie sa House kaya’t masabi kong bihasa rin siya sa mga nangyayari doon. Si Menchie pala ay tatakbo sa partidong UNA samantalang si Quennie naman ay sa Liberal Party (LP). Talagang “Abalos-Gonzales Forever” ang dating nila, di ba mga kosa? Nilinaw naman ni Mayor Abalos na hindi dapat akusahan sila ng political dynasty dahil hindi naman sila appointed kundi ibinoto ng mga botante. ‘Ika nga, piniprisinta nila ang sarili nila sa mga botante, na sa ilalim ng demokrasya, ay pipiliin ang gusto nila, hehehe! Kapag hindi maganda ang pamamalakad mo, t’yak sa kangkungan din ang bagsak mo, di ba mga kosa? T’yak ‘yun!
Sa ngayon, may umuugong na nagbabalak labanan ang Menchie-Quennie tandem, subalit hindi sigurado si Bro. Jimmy Isidro, ang PIO ng Mandaluyong City, kung tatakbo nga talaga sila. ‘Antayin na lang natin na mag-file sila, di ba Bro. Isidro Sir? Kung sabagay, sino ba ang maglakas loob lumaban sa Abalos-Gonzales Forever tandem, eh dahil sa liderato nila naging Tiger City itong siyudad nila. Punyeta! Magsasayang lang kayo ng pera kapag nilabanan n’yo pa sina Menchie at Quennie, di ba Mr. Jojit Antonio Sir? Tumpak!
Sa Pasig naman, babalik sa kanyang dating puwesto si Bobby Eusebio at papalitan ang asawang si Maribel, na balik housewife na. Matatandaan na iniurong ni Bobby ang pagkuha ng kanyang 3rd and last term noong 2013 elections para makasagupa si Rep. Roman Romulo, na nasa huling termino na rin. Umugong ang pangalan ni Romulo sa pagka-senador subalit hanggang kahapon la pa balita kung ano talaga ang tatakbuhan niyang puwesto. Ang kapatid naman ni Bobby na si Ricky ang tatakbong congressman.
Sa San Juan naman, kasado na ang girian nina Mayor Guia Gomez at Vice Mayor Francis Zamora, samantalang sa Marikina ay sa pagitan nina Mayor Del de Guzman at Rep. Marci Teodoro.
Walang kuwenta ang labanan sa Mandaluyong subalit dito sa Pasig, Marikina at San Juan, maaring magiging mahigpit ang laban, di ba mga kosa? Subalit sinisiguro ko, na pakuya-kuyakoy na lang sa kanyang opisina si EPD director Senior Supt. Elmer Jamias dahil magiging matahimik ang political exercises sa apat na siyudad na sakop n’ya, di ba mga kosa? Abangan!