Napakahalaga sa’kin, bumoto nang buong puso
Kasi’y naranasan ko na yaong gobyernong palalo
Noo’y lagim at takot ang namahay sa aking puso,
Dahil noon ay balakyot ang sa trono’y nakaupo.
Nang kanilang mapatahan mga taong lumalaban,
Pahapyaw na pinaboto
kaming mga mamamayan
Plebisito mayrong dal’wang malalim na katanungan,
Oo’t, hindi man ang sagot, oo ang kinalabasan.
Noon puso ko’y nanlumo sa duhaging naramdaman,
Sa hungkag na pag-ibig ng palalong pamahalaan
Mata ko ma’y nakapikit, nakikita sa isipan,
Pagsiil ng namumuno sa nasain kong maghalal.
Kaya ngayong narito na sa lupaing kumandili,
Na kung saan mayroong laya na bumoto at pumili
Bago pa man ang eleksiyon, kandidato’y sinusuri,
Nang sa araw ng halalan, ang pluma ko’y di mangimi.
Ang una kong rekisito sa akin ngang iboboto
Ay yaong pinili ng Dios na sa bayan magserbisyo
Yaong arok na gobyerno’y ginawa para sa tao,
At tao’y hindi nilalang para sa kanyang gobyerno.
Iboboto ko yung hindi nanlibak sa katunggali
Yaong katotohanan ang sa labi’y namumutawi
Yung kandidatong di gawi ang gawang pagkukunwari,
Siyang hindi naman ganap, nguni’t malinis ang budhi.
Akin din ngang sinusuri ang naitalang listahan,
Na ginawa ng pulitiko sa mahal na inang bayan
Ang pag-aari baga niya, kanya na bago nahalal?
O kung siya ay nagnakaw, mayroon bang katibayan?
Hindi ko rin maihalal kandidatong walang habag,
Yung tingin sa mahihirap ay sa lipunan pabigat,
Sanggol sa sinapupunan ay payag ding ipalaglag,
Sa ngalan ng hindi handa, pasanin lang at bagabag.
Nais ko ay kandidatong di nagtatago sa dilim,
Yung pag-ibig sa bayan niya ay taos at mataimtim
Yung hindi bihag ng sugal, at laman niya’y nasusupil
Para bagang isang inang ang pakpak ay naglililim!
Kasi natuto na ako doon sa may makikinang,
Buwis ng baya’y ninakaw, sa iba ipinangalan
Gusto kasing maging tanyag sa buong sandaigdigan,
Naging bingi sa hinaing ng kapos niyang kababayan.
Kaya ako’y nagagalak, nuong napalitan sila
Nguni’t laking pagtataka, bakit naihahalal pa?
Bakit wala na bang iba na hahamon sa kanila,
Kandidatong walang dumi at malinis ang konsensiya?
Kaya ako ay boboto ng mayro’ng katalinuhan
Pagka’t ako ay bahagi sa paghubog ng lipunan
Dahil aking karapatan nagmula sa pinuhunang…
dugo ng mga bayaning nagbuwis ng kanilang buhay! —Bella Rosa