BINISITA ni Rene ang kanyang taniman ng lansones sa Laguna. Habang nililibot niya ang kanyang farm, napansin niyang abala sa pagtatanim ng lansones seedlings ang 80 anyos na si Lolo Ido. Ang matanda ang may-ari ng katabi niyang farm. Binati ni Rene ang matanda.
Ang sipag mo naman Lolo. Bakit hindi mo na lang iutos ang pagtatanim sa iyong mga tauhan ?
Naku, Rene, lalo akong manghihina kapag itinigil ko ang dati kong ginagawa sa loob ng 60 taon.
Kaya lang Lolo, malungkot iyang ginagawa mo. Malaki ang tsansang hindi mo na matitikman ang bunga ng lansones na itinatanim mo.
Sa edad kong ito, talagang hindi ko na masisilayan ang pagbunga ng mga ito. Lima hanggang sampung taon ang hihintayin bago mamunga ang mga ito. Kaya lang kailangan kong bayaran ang mga kinain kong lansones simula nang ako ay bata pa.
Ano ang ibig ninyong sabihin?
Ang puno na pinanggalingan ng lansones na kinain ko ay nagmula sa mga punong itinanim ng aking mga ninuno. Darating ang araw na titigil ang mga ito sa pagbunga dulot ng katandaan o kaya ay nabuwal dahil sa bagyo. Kailangan ay may maitanim ako na magiging kapalit ng mga namatay.
Dumating ang mga apo ni Lolo Ido. Maraming lansones seedlings ang ibinaba mula sa trak. Ang lahat ng apo ay masayang tumulong sa matanda sa pagtatanim.