Ang kambing
MAY alagang isang kabayo at isang kambing ang magsasaka. Isang araw ay nagkasakit ang kabayo. Malaki ang pakinabang niya sa kabayo kaya masyado siyang nag-alala. Tumawag ng beterinaryo ang magsasaka upang ipa-check up ang pinakamamahal niyang kabayo.
“Kinapitan ng virus ang kabayo mo. Heto, ang gamot, ipainom mo. Pagkaraan ng pitong araw ay babalik ako upang obserbahan ang alaga mo. Kung wala tayong makikitang pagbabago, kailangang na siyang patulugin nang walang gisingan. Kung mananatili siyang buhay, manghahawa siya sa mga katabing poultry, babuyan at rancho.”
Nalungkot ang kambing sa narinig na usapan. Pinuntahan niya ang kabayo at kinuwento ang sinabi ng doctor. “Friend, tutulungan kitang lumakas. Kasi kung walang improvement na makikita sa iyo pagkaraan ng isang linggo, ikaw ay kanilang papatayin dahil baka mo raw mahawahan ang mga kapitbahay nating mga hayop. Sige magpahinga ka muna. Hintayin mong tumalab ang gamot na ipinainom sa iyo. Bukas ay pupuntahan kita. Tutulungan kitang tumakbo para lumakas. Hindi ka nila papatayin kapag nakita nilang magaling ka na.”
Sa takot na mabitay, araw-araw ay nag-eehersisyo ang kabayo sa tulong ng kambing. Sa loob ng pitong araw na pag-eehersisyo ay lumakas ang kabayo. Nanumbalik ang kanyang magandang pakiramdam kaya’t nang bumalik ang beterinaryo ay nagdeklara ito na magaling na ang kabayo.
Sa sobrang tuwa ng magsasaka ay napasigaw ito ng: “Ipagdiwang natin ang paggaling ng aking kabayo! Katayin ang kambing at gawing pulutan!” Sa sobrang takot ay naglayas ang kambing at hindi na bumalik sa piling ng magsasaka. Habang wala ang kambing, naisip ng magsasaka na naging unfair siya sa planong ipakatay ang kambing. Sino ba ang nagbigay sa kanya ng mara-ming pera kaya nakabili siya ng kabayo? Ilang beses din nagbuntis at nanganak ang kambing kaya marami siyang naibentang mga anak nito. Tapos ang kabayo ang pinepeyborit niya. Lalo pa siyang magi-guilty kung malalaman niyang si Kambing ang nag-inspired kay Kabayo na magpagaling. He-he-he. Sa workplace, maraming “kambing” at “magsasaka”. Pero meron din “kabayo”, ‘yung pinepeyborit lagi ng mga boss.
- Latest