HINDI lamang sa mga open spaces o mga matataas na lugar tumatama ang kidlat, maaari rin itong tumama sa mga bahay at maski sa mga appliances gaya ng refrigerator.
Ganito ang nangyari sa high school student na si Macie Martinez ng Texas. Umuwi nang maaga sina Macie nang araw na iyon sapagkat may banta ng masamang panahon. Sinundo siya ng mga magulang sa school at nagmamadali silang umuwi para hindi abutin ng bagyo.
Tamang-tama pagdating nila ng bahay ay nagsimula nang sumama ang panahon. Nakaugalian na ni Macie na magtungo sa refrigerator para kumuha ng snack at inumin. Pagbukas niya ng pinto ng refrigerator, isang matalim na kidlat ang tumama sa kanya. Para bang nanggaling sa loob ng refrigerator ang kidlat!
Nagsisigaw si Macie subalit subalit mahirap lumabas ang tinig sa kanyang bibig. Hindi rin niya maigalaw ang kanyang mga binti at hindi rin niya maramdaman ang mga ito. Isinugod siya sa ospital.
Ayon sa kanyang ina, nakarinig siya nang malakas na pagsabog. At kasunod ay ang pagdidilim ng kapaligiran. Narinig niya ang kakaibang palahaw ng anak na si Macie.
Nagkaroon ng nerve damages sa kamay at braso si Macie subalit maituturing na himala ang kanyang pagkakaligtas.
Nang umuwi ang kanyang ama sa bahay, mula sa ospital na pinagdalhan kay Macie, saka lamang nito nalaman na pati siya ay tinamaan din ng kidlat. Nakita niya ang tama ng kidlat sa braso. Hindi siya napuruhan.
Nadiskubre rin niya na halos lahat nang appliances sa bahay ay tinamaan ng kidlat, maliban sa coffee maker.
Nagpapasalamat ang pamilya at nakaligtas sila sa kapahamakan.