Sa Oktubre 12 na ang simula ng filing ng certificate of candidacy sa mga tatakbo para sa 2016 election, pero ngayon pa lang ramdam na ang magiging mainit na naman na halalan.
Kasi nga, may ilan ng nangyayaring mga karahasan na sinasabing may kinalaman sa halalan.
Kahapon lang, apat katao ang nasawi habang anim pa ang nasugatan makaraang pasabugan ng bomba ang convoy ng behikulo ng isang bise alkalde sa Brgy. Sunrise, Isabela City, Basilan.
Sa ulat, ala-1 ng hapon habang bumabagtas sa lugar ang convoy ng behikulo ni incumbent Isabela City Vice Mayor Abdubaki Ajibon nang sumabog ang eksplosibo na itinanim sa isang tricycle sa highway ng nasabing lugar.
Resulta tatlong umano’y security escort ni Ajibon ang nasawi habang anim pa ang nasu-gatan. Isa pang sibilyan na lulan ng motorsiklo na napadaan sa lugar kasunod ng convoy ang nasawi rin sa insidente.
Bagamat hindi pa tukoy ang tunay na motibo rito o kung target nga ang bise-alkalde, anggulo sa banggaan sa pulitika ang pangunahing sinisilip.
Hindi lang sa malalayong lalawigan nasusumpungan ang ganitong mga karahasan na may kinalaman sa pulitika, kundi maging sa Metro Manila.
At hindi rin lang ito nangyayari sa magkakatunggali sa matataas na posisyon, kundi hanggang lebel ng barangay.
Hindi nga ba’t Nobyembre 2009 nang maganap ang matinding karahasan na tinaguriang Maguindanao massacre kung saan 58 katao ang iniulat na nasawi kabilang ang may 38 journalist. Naganap ang masaker sa filing pa lamang ng COC para sa 2010 elections noon.
Sa susunod na linggo, magsisimula na ang filing ng COC para sa halalan sa 2016, dito posibleng magkakahara-harap na ang mga magiging magkakatunggali.
Kanya-kanya na yang pakulo sa filing pa lamang, kasama ang kanilang mga supporters na kadalasan dito pa lang nagkakaroon na ng mga iringan na siyang pinagmumulan ng mga karahasan at pagkakasakitan.
Ito naman ang tututukan at kailangang mabantayan ng ating kapulisan, isama pa ang sinasabing mga private armies ng ilang politician.
Sana naman ay hindi maulit pa ang matitinding karahasan dulot ng halalan, wala na sanang magbuwis pa ng buhay o madamay pa dahil dito.