Sampaguita (175)

NANG marinig ni Ram at Sam ang tungkol sa mutya na sinabi ni Lola Rosa ay bigla silang natigilan. Nasaan nga pala ang mutya nila?

“Sam, nasaan ang mutya mo?” Tanong ni Ram.

Nag-isip si Sam. Nasaan nga ang mutya. Hanggang sa maalala niya na bago siya nakatulog sa kubo ay nasa bibig niya iyon at wala na siyang naalala ukol sa mutya. Nalunok niya!

“Nalunok ko Ram! Nalunok ko ang mutya!”

Pero maski pala si Ram ay ganundin ang nangyari. Nalunok niya ang mutya habang nasa panganib ang buhay. Nakasabit siya sa barbed wire habang nakatutok ang baril ni Levi nang bigla niyang malunok ang mutya.

“Pareho pala ang nangyari sa atin, Sam. Nalunok ko rin ang mutya.’’

At may pangamba ang boses na tinanong nila si Lola Rosa ukol doon. Ano ang mangyayari sa kanila ngayong nalunok ang mutya? Wala na bang bisa iyon?

“Lola ano po ang mangyayari sa amin?’’

Nagtawa si Lola Rosa.

“Mas mabuti ngang nalunok n’yo ang mutya. Mas lalo kayong mapuprotektahan.’’

“Talaga po Lola.’’

“Oo. Dahil nasa katawan n’yo na ang mutya, lagi ka-yong malalayo sa panganib.’’

Nagkatinginan ang dalawa. Hindi sila makapaniwala sa kapangyarihang dulot ng mutya.

KINABUKASAN, nagtungo sila sa probinsiya. Hindi kasama si Sir Manuel pero ipinahatid sila nito. Tuwang-tuwa ang tatlo lalo na si Lola Rosa.

Namasyal sina Sam at Ram sa sapa na dati nilang pinagliliguan. Tuwang-tuwa ang dalawa.

“Naalala ko ang paliligo sa sapa, Ram.’’

“Oo nga. Diyan kita unang nakita.’’ (Itutuloy)

Show comments