SA mga mahihilig sa street foods o sa mga pagkaing nabibili sa gilid-gilid ng lansangan, para sa inyo ang babala na ito.
Kuwidaw! Baka, nakatipid ka nga sa mga finger food na sarap na sarap ka sa pagtusok habang nakasalang pa sa kumukulong kawali na may mantika pero ang bawi sa’yo sakit at matinding karamdaman.
Ayon sa Food and Nutrition Research Institute (FNRI) na nagmo-monitor ng kalidad at seguridad ng pagkain sa bansa, hindi pasado sa food safety standard ang mga pagkaing ibinibenta sa tabi-tabi ng kalsada.
Malaki raw ang posibilidad na ma-contaminate ito ng mga bacteria tulad ng salmonella, nakakamatay na Escherichia coli o e-coli, hepatitis-a at mga kauri nito.
Ito ’yung mga “ihaw-ihaw” tulad ng barbeque, kwek-kwek, fishballs at iba pa na isinasawsaw sa mga sauce na talaga namang sarap na sarap ang marami.
Niluluto sa mga kulay-putik nang mantika na hindi na mabilang kung ilang beses nang pinagsalangan. Na habang inihahanda pa lang, pinagpipistahan na ng mga langaw at insekto bago pa man isawsaw ng mga parukyano.
Hindi layunin ng kolum na ito na sirain ang mga maliliit na negosyante na nagsusumikap na maitaguyod ang kanilang pamumuhay.
Ito ay pagbibigay babala lamang sa mga street vendor na dapat isaalang-alang ang kalusugan ng mga mamimili. Maging responsable sa kalusugan ng pinagbebentahan ng kanilang produkto.
Sa mga mahihilig naman sa street foods, huwag ilagay sa alanganin ang inyong kalusugan. Huwag lang tumingin sa murang presyo ng paninda bagkus doon sa kalinisan ng pagkain.
Nakamura ka nga sa binili mo pero sakit naman ang idinulot sayo.
Panoorin ang “Paninda sa gilid-gilid” sa bitagtheoriginal.com click Viewers’ Demand.
* * *
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.