NASA Palawan jail na ang ang magkapatid na Joel at Mario Reyes, mga suspected masterminds sa pagpatay sa environmentalist-broadcaster Gerry Ortega. Dumating kahapon ng madaling araw mula Bangkok, Thailand ang mga akusado,. Tatlong taong nagtago sina Reyes sa isang island resort sa Thailand. Si Joel Reyes, 63, ay dating go-vernor ng Palawan samantalang si Mario Reyes, 54, ay mayor ng Coron, Palawan. Nahuli ang dalawa noong Lunes dahil sa isang tip mula sa Interpol na nalathala sa Bangkok Post. Agad nagtungo ang mga pulis sa Rawai Phuket Muang District at nahuli ang dalawa sa inuupahang apartment. Inamin ng dalawa na umalis sila ng Pilipinas noong 2012 at nagtungo sa Thailand makaraan iisyu ang warrant of arrest laban sa kanila.
Nang pumutok ang balita na nahuli na ang Reyes brothers, nakahinga nang maluwag ang pamilya ni Gerry Ortega. Gusto raw nilang makita na nakaposas ang Reyes brothers sa pagdating ng mga ito sa bansa sapagkat nangangamba sila makatakas ang mga ito.
Pinaslang si Ortega habang nasa isang tindahan ng ukay-ukay sa Puerto Princesa City noong 2011. Binaril siya habang nakatalikod. May mga inarestong suspek pero habang nasa kulungan, isa-isang pinatay ang mga ito. Siniguro na hindi “maikakanta” ang mastermind. Mula nang mapatay ang environmenta-list, hindi na tumigil ang kanyang pamilya sa paghingi ng katarungan at panawagang arestuhin ang mga suspect. Sabi pa ng biyuda ni Ortega, kung talagang nais na arestuhin ang mga suspect madali namang magagawa ito ng mga awtoridad.
May mga fugitive na hanggang ngayon ay napaglalalangan ang awtoridad. Una nang nahuli si Army general Jovito Palparan dahil sa pagdukot sa dalawang UP students at ngayon nga ay ang Reyes brothers. Inaasahang mahuhuli na rin si dating Dinagat Rep. Ruben Ecleo na wanted dahil sa pagpatay sa asawang si Alona Bacolod-Ecleo.
Hanapin ang iba pang nagtatago sa batas at pagbayarin sa kanilang kasalanan. Nauuhaw na sa hustisya ang mga pamilya ng biktima. Kung nahuli sina Palparan at Reyes Brothers, magagawa ring hulihin ang iba pa.