NAGPATULOY si Sir Manuel sa pagsasalita at nagpasalamat pa uli kay Sam dahil sa nagawa nitong tulong para makatamo ng hustisya ang anak na si Ylang-Ylang.
“Kung nakikita tayo ng anak kong si Ylang-Ylang, siguro’y natutuwa siya sapagkat natamo rin niya ang katarungan. Nagbayad na rin ang taong pumatay sa kanya. At ako man ay magkakaroon na rin ng kapayapaan sa isip. Salamat Sam.’’
“Salamat din po Sir Manuel. Buong akala ko po, galit ka sa akin dahil nagkaroon ng pagbabago sa plano. Naligaw ako ng landas sa pakikitungo kay Levi at mabuti na lamang at nagliwanag ang isip ko. Bago po ako nabiktima ni Levi ay nagbalik ako sa katinuan.’’
“Tapos na ang ating problema at palagay ko, panahon na para tayo naman at makalasap ng saya. Kailangan ay magsaya tayo.’’
“Ano pong ibig mong sabihin, Sir Manuel?” Tanong ni Sam.
“Aba e di magkaroon tayo ng party. Kahit anong gusto n’yong dalawa ni Ram. Sabihin n’yo kung ano ang maganda na magpapasaya sa ating lahat. Walang problema.’’
“Nakakahiya naman po, Sir Manuel,” sabi ni Ram.
“Ram, hindi na uso ang hiya-hiya. Ikaw pa ang mahihiya e marami kang naitulong sa akin. Kung hindi dahil sa tip mo e baka na-ambus na ako. Dahil sa ginawa mong paghanap sa lalaking taga-Varona, nakaligtas ako. Nahuli pa namin ang lalaking iyon na matagal na rin palang wanted ng PNP. Kaya huwag kang mahihiya, Ram. Sabihin mo na ang anumang gusto n’yo ni Sam.’’
“Sir, gusto ko makasal na kami ni Sam. Ayaw ko nang bitawan si Sam at baka maagaw pa sa akin.’’
“Okey! Engrandeng kasal ang ibibigay ko sa inyong dalawa at ako ang ninong. Sabihin n’yo kung kailan n’yo gusto at matutupad lahat.’’
Nagsalita si Sam.
“Sir Manuel, salamat sa iyo pero bago po kami makasal, gusto ko sana makita ang Lola Rosa ko. Matagal ko na po siyang hindi nakikita. Nakakaawa naman po siya sa probinsiya.’’
“Walang problema, Sam. Makikita mo na ang lola mo.’’
“Gusto ko po sana ay umuwi na sa probinsiya ngayon.’’
“Sige. Matutupad ang gusto mo Sam. Aalis na tayo ngayon.’’
May tinawagan si Sir Manuel.
Maya-maya, nakita nila ang isang helicopter na lumilipad papalapit sa kinaroroonan nila.
Hindi makapaniwala si Sam.
(Itutuloy)