NATIGILAN si Ram nang makita na may nakahiga sa papag. Paa lamang ang kanyang nakita. Natatakpan ng dingding ang bahaging ulunan ng nakahiga. Hindi niya malaman kung babae o lalaki ang nakahiga sa papag.
Aatras sana siya pero narito na rin lang, titingnan na niya kung sino ang nakahiga. Bahala na. Nakahanda naman siya kung kalaban o hindi ang nakaahiga. Hindi na siya magpapakilala. Baka maunahan pa siya!
Dahan-dahan siyang humakbang para makita kung sino ang nakahiga. Hanggang sa makita niya ang bahaging ulunan.
Ganun na lamang ang pagkagulat ni Ram sa nakita. Si Sam ang nakahiga! Tulog ito! Sarap na sarap sa pagtulog. Walang ipinagkaiba noong akyatin niya ang bahay nina Sam na nagdaan siya sa bintana. Bakit kaya nahimbing si Sam? Dahil sa pagod? Kawawa naman si Sam.
Hindi niya tinawag si Sam. Maaabala niya ang pagtulog nito. Hinayaan niyang makapahinga. Nanatili siyang nakatayo at pinagmasdan ang kasintahan. Nagpapasalamat siya sa Diyos at ligtas ito. Nawala ang kanyang pag-aalala. Salamat at walang nangyari sa kanyang pinakamamahal.
Nakita niya ang bag ni Sam na nasa sulok. Naalala niya ang isa sa mga mutya na itinago niya sa bulsa. Kinuha niya at saka inilagay sa bag ni Sam. Malaki ang naitulong ng mutya para makaligtas sa panganib.
Ipinasya ni Ram, na maupo sa gilid ng papag sa tabi ni Sam.
Pinagmasdan niya si Sam. Napakaganda nito. Hindi kumukupas ang ganda. Ang akala niya, lubusan nang mawawala sa kanya si Sam mula nang makilala si Levi. Mabuti na lang at natauhan si Sam at nanumbalik ang pag-iibigan nila. Nawawalan na siya ng pag-asa mula nang magkamabutihan sina Sam at Levi. Akala niya, lubusan nang mawawala sa kanya si Sam. Magkakabali-kan pala sila.
Nagulat si Ram nang kumilos si Sam. Ibinaling ang ulo. Tulog pa pala. Ang akala niya, gising na si Sam.
Lumipas ang ilang oras at nananatiling tulog si Sam.
Nag-alala na si Ram. Sinubukan na niya itong gisi-ngin. Tinapik niya sa braso. Ayaw magising.
‘‘Sam! Sam!’’
Ayaw pa ring magising.
Ano ang gagawin niya?
(Itutuloy)