ANG Umoja, isang village sa Kenya ay “No Man’s Land”. Bawal ang lalaki sa village na ito. Dalawampu’t limang taon na ang nakalilipas nang itatag ang village at sa haba ng panahong iyon, walang lalaking nakapunta rito.
Ang Umoja Usau Women’s Village ay itinatag ni Rebecca Lolosoli. Ang village ay itinatag para kanlungan o safe haven ng mga babaing tumakas sa pang-aabuso at pagmamalupit ng kalalakihan. Kadalasang nagkakanlong sa village ay ang mga kababaihan mula sa Samburu, sa Northern Kenya.
Si Rebecca, kabilang sa Samburu tribe ang nagsisilbing chief matriarch sa village. Simula pa lamang sa pagkabata ay nakaranas na ng kalupitan si Rebecca. Marami na rin siyang nasaksihang kalupitan ng mga kalalakihan sa mga ka-tribung babae. May mga ginagahasa, mga babaing nagdaranas ng genital cutting, puwersahang pagpapakasal at marami pang iba. Dahil dito, kinausap niya ang mga babae na dapat labanan ang praktis na ito. Pero binugbog siya mga kalalakihan sa village dahil sa panghihikayat sa mga kababaihan na lumaban. At ang masakit, hindi siya tinulungan ng kanyang asawa.
Kaya noong 1990, pinangunahan niya ang pagtakas ng mga kababaihan at nagtayo ng village para sa kanila lamang at bawal ang lalaki.