EDITORYAL - May presidentiable kaya na susuporta sa Anti-Dynasty Bill?
TATLO na ang maglalaban sa pagka-presidente para sa 2016 elections. Noong Miyerkules ay naghayag na ng pagtakbo si Sen. Grace Poe. Unang naghayag si VP Jejomar Binay at dating DILG Sec. Mar Roxas. Ganunpaman, walang binanggit ang tatlo sa Anti-Dynasty.
Kung wala isa man sa kanila ang maghahayag ng suporta sa Anti-Dynasty Bill, wala nang aasahan sa panukala. Patuloy ang pamamayani ng mga angkan-angkan sa pulitika. Magpapalit-palit lang sila sa pamumuno sa bayan o lungsod.
Si President Aquino ay maraming beses nang nagsalita na susuportahan niya ang Anti-Dynasty Bill subalit wala rin siyang sigla ukol dito. Dahil kaya hindi nila ito prayoridad?
Sabi ni P-Noy, dapat daw suportahan nang naka-rarami ang Anti-Dynasty Bill kagaya nang pagsuporta niya rito. Pabor daw siya sa pagsasabatas nito dahil mahirap daw kung sa isang lugar ay isang pamilya na ang namamayani at nasa kanila na lahat --- economic, political, judicial, pati security sector kamag-anak nila, baka mahirap nang magkaroon ng malaya at makatotohanang halalan.
Maski sa kanyang huling SONA ay sinabi niya: “May mali rin sa pagpapakasasa sa kapangyarihan ng isang tiwaling pamilya o opisyal. Hindi tayo nakakasiguro na malinis ang intensyon ng susunod…Kung nanaisin lang nilang habang buhay na maghari-harian para sa pansariling interes.”
Sa kasalukuyan, karaniwan na lamang na ang mga namumuno sa isang bayan o siyudad ay binubuo ng ama, asawa, anak, pamangkin, pinsan at iba pa. Ang ama ay mayor, ang ina ang vice mayor, ang anak ay kongresista, at pati ang kapitan ng barangay ay pinsan.
Hindi na maganda ang nangyayaring ito sa bansa na ang mga naghahari ay magkakamag-anak. Hindi matatapos ang paghahari at pagkamatakaw sa kapangyarihan.
Sana may isang presidentiable na magsabi na susuportahan niya ang Anti-Dynasty Bill. Hindi siya malilimutan ng sambayanan.
- Latest