‘Amorseko sa uniporme’

MGA pulis kilalang makisig, magaling dumiskarte at higit sa lahat lapitin sa mga ‘chicks’. Ano meron sila at mabilis dumikit ang mga babae parang amorseko, subalit kapag napagsawaan na, tinatanggal sa pagkakapit sa damit at bumabanat ng layas?

Sa isang ‘online dating’ at ‘chat website’ na waplog.com naki­lala ng tatlumpu’t dalawang taong gulang na si Teresa “Tere” Liwanag ang isang pulis.

Nagsimula silang magkakilala nang makita niyang binisita nito ang kanyang ‘profile’ sa waplog.

“Nakikita kasi dun bilang visitor ang mga tumitingin sa ‘yo. Hindi tulad ng Facebook na walang ganitong option. Siya ang unang nag-iwan ng mensahe. Dun na nagsimula,” sabi ni Tere.

Nagkakwentuhan sa chat at nagpakilala itong isang pulis. Matapos ang dalawang linggo nilang pag-uusap napagkasunduan nilang magkita.

Nadestino daw ito noon sa Pasay Headquarters. Nakamotorsiklo ito at dun niya nakumpirma na talagang pulis ang lalaki. Nang magkita sila ay dumiretso sila sa hotel.

“Nakita ko sa I.D. niya na ang pangalan niyang buo ay Starsky Domingo Stephens. Hindi kami naging magkarelasyon basta nagkaintindihan lang kami na ganun ang kahahantungan ng pagkikita namin,” pahayag ni Tere.

Walang asawa at anak si Tere at ganun din naman si Starsky. Ang pagkakaalam lang ni Tere may matagal na itong karelasyon.

Nasundan ang pagkikita nila. Sa puntong ito sa may Rotonda na dahil nalipat daw ng destino si Starsky.

“Tulad nang nauna sa hotel ang bagsak namin. Nagkakausap pa din kaming dalawa sa text. Hindi kami magkarelasyon pero may nangyayari sa ‘min,” salaysay ni Tere.

Nang ikatlong beses na magkita sila ay nakainom silang dalawa. Dala ng alak mas nag-init ang kanilang katawan. Hindi nila napigilan ang isa’t-isa at nalimutan na nila ang ilang mga bagay-bagay.

“Hindi na kami nakapagkontrol nun. Nang sumunod na mga linggo napansin ko na parang iba na ang pakiramdam ko,” sabi ni Tere.

Halos lahat ng palatandaan ng pagiging buntis ay naramdaman niya.

Ika-sampu ng Hulyo 2015 nakipagkita siya kay Starsky at sinabi niya ang kanyang kalagayan. Humihingi din siya ng tulong dito para sa kanyang pagbubuntis at ganun na din sa bata.

Hindi daw maganda ang gusto nitong mangyari kaya’t hindi sila nagkasundo.

Patuloy silang nag-uusap sa text ngunit pagdating ng Hulyo 14, 2015 hindi na ito nagparamdam sa kanya.

“Gusto kong humingi ng tulong sa kanya para sa bata pero natatakot ako. Hindi ko na siya makausap ngayon. Natatakot din akong baka hindi niya ito kilalanin dahil magka-chat lang kami at wala kaming relasyon,” sabi ni Tere.

Iiisip niya pa lang magagastos niya sa panganganak at pagpapatingin alam niyang hindi niya na ito kakayaning mag-isa.

Aminado naman daw si Tere na nagkaroon din siya ng pagkakamali. Ang hiling lang naman niya ay tulungan lang siya sa pinansiyal na pangangailangan sa kanyang pagbubuntis.

Hindi niya alam kung paano pa sila magkakausap gayung iba na ang numerong ginagamit nito.

Sa kasalukuyan maglilimang buwan na ang bata sa kanyang sinapupunan.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, nabanggit ni Tere kung saan siya madalas sunduin ng naka-chat at alam niya kung saan ito nakadestino. Maaari siyang magsadya sa lugar at kausapin ang lalaki tungkol sa gusto niyang mangyari.

Kung hindi niya panindigan ang bunga ng inyong kaupusukan, maari din naman siyang lumapit sa pamunuan ng Camp Crame.

Pwede na rin nating ideretso at ihingi ng tulong si Tere dahil sa Metro Manila ito nakadestino kay Regional Director Joel Pagdilao, Chief ng National Capital Region ng PNP para tawagin itong lalaki at kung hindi pa rin sumunod kasuhan ng kasong administratibo.

Maari niyang ipakita ang mga text messages o kung meron silang mga litrato makakatulong din ito.

Hihilingin natin kay RD Pagdilao na pagharapin sila upang malaman kung sino ang nagsasabi ng totoo at panagutin ang pulis para sa kinabukasan ng bata.

(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

           Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

Show comments