NAKITA na ng Highway Patrol Group (HPG) ang isa sa mga solusyon para malutas ang matinding trapik sa EDSA. Ito ay ang pagkakaroon ng disiplina. Mula nang mag-takeover ang HPG sa EDSA noong Lunes, nagkaroon na ng pagbabago sa daloy ng trapiko. Nadisiplina ng HPG ang mga bus na bumabalagbag sa Cubao. Dati, walang pakundangan kung magbaba at magsakay ng pasahero ang mga bus sa nasabing lugar at iyon ang dahilan kaya nagkakaroon ng trapik na umaabot hanggang GMA-Kamuning. Ngayon ay wala nang bus na bumabalagbag kaya tuluy-tuloy ang agos ng mga sasakyan.
Nadisiplina rin ng HPG ang mga vendor na nakaharang sa sidewalk. Dahil walang madaanan ang pedestrians, sa kalsada sila naglalakad na nagiging sagabal sa mga sasakyan. Kung walang naglalakad sa kalsada, mabilis at maayos na nakadadaloy ang trapiko.
Disiplina rin ang pinairal sa harap ng Balintawak market kung saan pinaalis ang mga nagtitinda roon na inuukopa ang kalahati ng EDSA. Ang pag-okupa sa EDSA ng mga walang disiplinang illegal vendors ang dahilan kaya hindi dumadaloy (southbound) ang mga sasakyan sa lugar. Umaabot na halos hanggang Monumento ang trapik dahil sa pagbabara nga ng mga vendor at apekatado na rin ang mga nanggaga-ling sa North Luzon Expressways at A. Bonifacio Avenue. Sa pagpapaalis sa mga vendor, nakahinga nang maluwag ang bahaging iyon ng Balintawak at maayos na nakadadaloy ang mga sasakyan.
Disiplina ang isa sa mga solusyon at sana’y mapanatili ito hindi lamang sa Balintawak at Cubao kundi sa marami pang tinaguriang “chokepoint” sa EDSA.
Isa pa rin sa solusyon na maaaring gawin ng HPG ay ang pagwalis sa mga sasakyang nakaparada sa mga kalsada. Kung magagawa ito, tiyak na luluwag ang EDSA at pupurihin nang todo ang HPG. Ipagtatayo sila ng bantayog na hindi katulad ng mga traffic enforcers ng MMDA na naging inutil sa loob nang maraming taon.