MAY mga hayop na sumasabog at nangyayari ito sa iba’t ibang kadahilanan:
Gaya ng nangyari sa isang sperm whale na natagpuan sa dalampasigan sa Taiwan noong 2004. Naaagnas na ang whale na may sukat na 17 metro (56 feet) at tumitimbang ng 50 tonelada.
Ganoon na lamang ang pagkagulat ng mga tao nang biglang sumambulat ang whale. Parang putok ng isang bomba na ikinayanig at nakabingi sa mga tao sa paligid. Sa lakas ng pagsabog, nagkalat ang lamanloob ng whale at tumalsik nang napakalayo na halos umabot sa mga pinto ng establishment, mga sasakyan at mga taong namamasyal.
Napag-alaman na may gas na namuo sa katawan nang naaagnas na whale na naging dahilan nang pagsabog.
* * *
ISANG nakagugulat na pagsabog din ang naganap sa Germany at Denmark noong Abril 2005. Sunud-sunod ang pagsabog na parang scene kung Bagong Taon. Nang inspeksiyunin kung ano ang mga sumabog, napag-alaman na iyon ay mga palaka.
Ang pagsabog ng mga palaka ay self-defense mechanism nila sa pagsalakay ng mga uwak. Sinisikap umano ng mga palaka na palakihin ang sarili subalit sa ginagawang iyon ay nag-e-explode sila at namamatay.