MARAMING pasanin si Philippine National Police (PNP) chief Dir. Gen. Ricardo Marquez. At isa sa matindi niyang pasanin ay ang mga scalawag na miyembro. Nakaaalarma na ang mga ginagawa ng mga pulis na lumilihis na sa kanilang sinum-paang tungkulin. Sa halip na sila ang tumugis sa mga gumagawa ng masama, sila ang tinutugis ngayon dahil sa paggawa ng krimen. Kakahiya na ang ginagawa ng mga alagad ng batas.
Hindi lamang panghuhulidap, pangingidnap at pagre-recycle ng shabu ang ginagawa ng ilang pulis, lumilinya na rin sila ngayon sa gun running.
Hindi makapaniwala ang mga miyembro ng PNP-Task Force Tugis na ang kanilang napatay ay “kabaro”. Ang suspect sa gunrunning activities ay miyembro ng QCPD at naka-assigned sa Anonas Police Station. Ang pulis ay nakilalang si SPO1 Wilfredo Blanco. Ayon sa QCPD, matagal nang wanted si Blanco dahil sa iba pang illegal na aktibidad. Nang mabuklat ang rekord, isa pala ito sa high profile personalities na pinaghahanap at kilala lamang sa tawag na “Blanco”.
Napatay si Blanco sa kanto ng Quezon Avenue at Roces Avenue sa Bgy. Paligsahan, QC nang makipagbarilan sa Task Force Tugis. Kasama ni Blanco sa isang itim na SUV ang tatlo pang suspect nang maganap ang shootout. Bago ang shootout, isang Task Force Tugis operative ang nagpanggap na buyer ng baril at nakipagnegosasyon kay Blanco. Nagkasundo na magkita sa Quezon City Memorial Circle dakong alas onse ng umaga noong Lunes. Pero nagbago at sinabing sa Philcoa na lamang. Hanggang magbago muli at sinabing sa West Avenue. Hanggang sa magkasundo na sa isang convenient store sa kanto ng Quezon Avenue at Roces Avenue. Doon sa lugar na iyon naganap ang shootout. Nagtangkang tumakas si Blanco nang maamoy ang mga pulis. Pero nabangga ang SUV na minamaneho at nakipagbarilan na si Blanco hanggang mapatay siya. Nahuli ang tatlong kasama ni Blanco.
Mabigat ang pasanin ni General Marquez kaya nararapat siyang kumilos para magkaroon nang lubusang paglilinis sa organisasyong pinamumunuan. Basagin at alisin ang mga “bugok” para hindi na mahawa ang iba pang mabubuting itlog. Maging maingat sa pagpili ng mga miyembro. Idaan sa masu-sing pagsisiyasat bago bigyan ng tsapa at baril.