MAITUTURING na luho ang pagkain ng ice cream ngunit masasabing higit pa sa pagiging luho ang isang klase ng ice cream na ipinagbebenta sa Dubai dahil sa nakakalulang presyo nito na $817 (katumbas ng P38,000) kada scoop.
Ang ice cream, na tinaguriang ‘Black Diamond’, ay ipinagbebenta ng Scoopi Café at ito ang sinasabing pinakamahal na ice cream sa mundo. May isang ice cream na ipinagbebenta sa New York na nagkakahalaga ng $25,000 (P1.1 milyon) ngunit ang nasabing presyo ay dahil sa diyamanteng tasa na pinaglalagyan nito at sa kasamang gintong kutsarita.
Hindi ito katulad ng Black Diamond na napakamahal ng presyo dahil sa mismong mga sangkap nito. Gawa ang ice cream sa Madagascar vanilla na binudburan ng Italian truffles at Iranian saffron, na nagkakahalaga ng $100 (P4,500) kada ounce. May toppings din na maliliit na piraso ng 23 karat na ginto ang ice cream. Edible o nakakain ang gintong ibinudbod sa ice cream kaya wala dapat ipag-alala ang mga bibili nito.
Dahil sa presyo nito ay hindi na dapat ipagtaka na simula nang ipagbenta sa publiko ang Black Diamond ay dalawa pa lamang daw ang bumibili nito.